Wednesday, March 12, 2008

GA'NONG PORSIYENTO NG PAGMAMAHAL? Unang Yugto

GANONG PORSIYENTO NG PAGMAMAHAL? Unang Yugto

ALIN, hoy, hindi na. Siyento porsiyento? Tama na sa akin ang 70/30.

Ibinagsak ni Aida ang hawak na libro sa ibabaw ng hapag. Hilakbot kunwari, nandidilat ang mga matang inulit sa akin. “Seventy-thirty? Ano ba ‘yan, partihan ng ani ng palay? At komo ibang klaseng partihan iyan, siyempre, ang trenta lang ang sa iyo,” ang usig pa.

“Okey,” ang pagbibigay ko. “Gawin nating sixty –forty.

Umiling-iling si Aida. “Talagang hanggang doon ka lamang? Tanungin mong mabuti ang iyong sarili. Damahin mo ang iyong puso. Gaano mo siya kamahal? Gaano mo maibibigay ang iyong sarili, ang iyong paglilingkod sa kanya?:

“Paglilingkod? Bakit, hindi naman niya ako atsay. Kung katulong ang kanyang kailangan…”

“Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” agaw ni Aida. “At alam mo kung ano. Siyempre, asawa ka, may mumunting pangangailangan ang asawa mo na maaaring gawin ng katulong pero magiging mas masarap kung ikaw ang gagawa para sa kanya. Tulad nang…”

“Pagtitimpla ng kape para sa kanya,” nakalabi kong sambot. “At paghahanda ng isusuot pagkatapos maligo. Saka pag-aabot ng tsinelas… pag-aabot? Ay, nungka! Hindi,” umiling ako.

“Kahit gusto niya ang ganoon. At gusto mo rin. Mahalaga iyong gusto mo rin.”

“Kahit gusto ko rin,” matigas kong sagot. “Madaling gawin iyon, Aida. Pero hindi ko gagawin. Baka maging spoiled. Karaniwang nangyayari iyon.”

Nakangiting pinagmasdan ako ni Aida. “Talagang iyon ang dahilan?”

Kumumpas ako. “At ang pinakamahalaga. I don’t want to lose my identity. Kapag masyado mong minahal ang isang tao at ipinakita mo sa lahat ng bagay kung paano mo siya kamahal, may nawawala, o nababawas sa iyong sarili.”

Bahagyang kumunot ang noo ni Aida. “Sa palagay ko’y alam ko kung ano ang tunay na dahilan, Connie. Definitely, it’s not that matter of losing one’s identity. Ang layo n’on…”

“Ano man iyon,” naiinis kong agaw, “natityak kong di mo alam at di kailanman malalaman…”

Ang walang kuwentang usapan na nagmula sa tsismisan tungkol sa isa’t isang boyfriend ay nauwi sa isang mabigat na diskusyon. Iba na ang himig ng mga salita ni Aida at ako naman ay inabot na ng inis. Sa kagustuhan kong matapos na ang lahat ay tumango ako. “Okay, shoot. Kung alam mo, sabida.”

Napatawa nang malakas si Aida. “Buweno, sabihin na lamang nating hula. O isang opinyon. Kung mali, e, di mali. Tapos ang salitaan.”

“Naghihintay ako,” patianod ko.

Matagal-tagal din bago sumagot si Aida. “Alam mo, Connie, ang totoo, kapag masyado mong minahal ang isang lalaki, o ipinakita mo kung gaano mo siya kamahal, ay siyento porsiyentong ibinibigay mo ang iyong sarili sa kanya, na halos masisilip na niya ang iyong kaluluwa. Sa madaling-sabi at sa iisang salita, vulnerable ka. Kayang-kaya ka niyang saktan. Ang damdamin mo’y maaaring maging laruan sa kanyang mga kamay kung gugustuhin niya. At iyan ang ayaw mong mangyari. Ang malagay si Kulaspiro mo sa posisyong nakalalamang sa iyo. Kaya, ang sixty-forty mo, Intiyende? “ Nakangisi, hindi nakangiti si Aida.

Hindi ako sumagot. Sa halip, tiningnan ko ang aking relo. “Tama na, Aida. Malapit na ang time. Baka tayo ma-late na naman.”


HULI
na marahil, ang naisaloob ko, sabay sulyap sa katabi kong nagmamaneho ng kotse. Walang alis ang mga mata nito sa dinadaanan ng sasakyan. “Abutan kaya natin?” tanong ko.

Dumiin ang paa sa accelarator. Hundred and fifteen, nabasa ko sa speedometer. May naligaw na kaba sa aking dibdib. Naalaala ko si Aida. “Relak lang, Bien. Ayoko pang mamatay…” ka, ang tangka kong isunod, na hindi ko nagawa, dahil di ko kaugalian ang ganoong pagsasalita. Sa isang saglit na di ko paghuma, nakasingit na si Bien.

“Ayaw mo pang mamatay, pero ako, pwede na.” Ang tawa nito sa dulo ng mga sinabi ay hungkag.

Napasandal ako sa kotse na parang kunwa’y nanghina. “What a dreadful thing to say. As if, sa palagay mo, wala nang kuwenta sa akin kung may mangyari sa iyo. Na di ko daramdamin kung mawala ka sa king buhay. Parang duda ka na mahal kita.” Tumagilid ako ng upo, hinarap si Bien.

Kumibit ang balikat ni Bien. “Bakit, mahal mo ba ako?”

Mariin ang aking sagot. “Magiging asawa mo ba ako kung di kita mahal? Pitong taon na tayong kasal, hindi mo pa alam?”

Hindi sumagot si Bien, pero bumagal nang bahagya ang takbo ng kotse.

SI BIEN ang Kulaspirong tinatawag ni Aida noong panahong nag-aaral pa kami sa kolehiyo. At Iskaryote naman ang tawag ko sa nobyo niyang si Roy. Iyon ay kung kaming dalawa lamang ang nag-uusap. At lagi kaming magkausap sa dahilang magkasama kami sa kasera, bukod pa sa magkaklase sa kursong kinukuha sa kolehiyo. Ang nakapagtataka sa pagiging matalik naming magkaibigan ay ang pangyayaring halos magkaibayo ang marami sa ayaw at gusto namin sa buhay. Paborito ko ang hasmin, ang kanya naman ay sampagita. Patay siya sa fried chicken, ako nama’y allergic doon. Ang tipo ng lalaking gusto niya ay ganire, ang tipo ko naman ay ganoon. Kapag nag- asawa raw siya at pinapaghinto siya sa pag-oopisina, hihinto siya. Ako, subukin akong patigilin sa bahay, naku, ewan. Ang pinaka sa lahat ng aming pagkakaiba ay ang tungkol sa sixty-forty ko at sa siyento porsiyento niya.

Nauna kaming ikinasal ni Bien. At nakasulat sa tarhetang nakadikit sa regalo ni Aida: Marahil ay susubukin mo ang siyento porsiyento. Na sinagot ko ng thank you card na fifty-fifty siguro.

Fifty-fifty. Para sa sariling pag-iingat. Totoo ang sinabi ni Aida noon. Ayokong maging vulnerable. Maging bukas sa mga pasakit. Nais kong ako ang malagay sa katayuang nakatitiyak sa relasyon. Ako ang may hawak ng nakalalamang na kamay. At ito’y sa pagkukubli ng tunay kong damdamin.

Pagkatapos ng pulut-gata, madalas kong mapansin na tinititigan ako ni Bien. Na kapag pinansin ko ay nauuwi ang sagot sa maraming tanong. “Mahal mo ba ako, Connie?”

Ngingitian ko si Bien. At sasagutin. “Siyempre.” Pero sa pagkakayapos niya sa akin sa pagkakaupo naming magkatabi sa sopa ay hindi ako kikilos.

“Gaano mo ako kamahal?” ang kasunod pang tanong.

Kikibit ang aking balikat. “Mahal na mahal.”

Sa lahat ng tanong, ang mga tamang sagot, ngunit napansin ko, waring hindi palagay ang loob ni Bien. Waring may hinihintay pa siyang sabihin ko, o gawin kaya. Na marahil, kung sasabihin ko na mahal, ito’y sasabayan ko ng yakap o halik. Na talaga namang gusto kong gawin, pinipigil ko lamang. Sapagkat iyon ang aking gustong mangyari. Na hindi siya makatiyak sa akin. Ang nakatitiyak ay nagiging pabaya. At nagsasawa. Ilan sa mga kakilala namin ni Aida ang may sinapit na ganoong pangyayari.

Kapalaran nila, sabi ni Aida.

Katangahan, ang sambot ko naman.

(Sino ba ako, si Aida o si Connie?
Sino ka ba? Sino ba ang iyong kabiyak?
Abangan ang huling yugto.)

No comments:

Post a Comment