Friday, May 2, 2008

KARUGTONG NG ISANG MAYO - Unang Yugto

KARUGTONG NG ISANG MAYO

Unang Yugto

NAIMBITAHANG konsorte ng isang reyna si Jojo sa isang Santakrusan sa Malolos. Ngunit hindi masusundo ni Lito, ang kaibigang nang-imbita. At iyon ang problema. Kailangang ihatid si Jojo. Ang mahigpit na kundisyon ng Mommy nito. Di kasing nakatingin sa kanya. Ihahatid lang naman. Di naman babantayan.

Ang Malolos ay malapit lamang sa Maynila, ipinakadiin-diin ni Jojo, na waring nangangambang hindi papayagan. “’Pag sa Diversion Road nagdaan, wala pang isang oras.”

Tumango siya. Alam niya. Dahil noong araw, na sa MacArthur Highway nagdaraan ang mga bus, humihigit nang isang oras. Pero, sa Malolos? Ang mga alaalang ginigising nito ay may dalang pangamba. At pananabik. Pero napakalaki ng Malolos. Bakit ba siya mag-aalala?

Si Jojo ang nagmaneho ng kotse. Magkatabi silang mag-ama sa unahan. At sa likod ng kotse ay sasayaw-sayaw ang barong-tagalog ni Jojo, nilalaro ng hangin. Ang direksiyong ibinigay ni Lito ay nakabisa na ni Jojo. At habang nagmamaneho ay inuusal-usal.

“Mula sa Diversion Road, lalabas raw tayo ng Tabang, Guiguinto. Mapupunta tayo ng MacArthur Highway. Kalaunan, makikita natin iyong CafĂ© Valenuela at Ospital sa mata sa bandang kanan. Ibig sabihin, malapit na tayo sa krosing ng tren ng Malolos, sa kung saan tayo kakaliwa.”

Sumandal si Gil at ipinikit ang mga mata. Sa sarili ay inilarawan ang mga sinasabi ni Jojo. Sa kanyang pandinig, waring ang tinig ni Jojo ay naiba. Napalitan. Nang isang tinig na kilalang-kilala rin niya noong binata pa lamang siya. Si Alex.

Taga-Malolos si Alex. Kaiskwela sa UE ng isang nangangasera sa kanila. Kalaunan, naging boarder na rin nila. Mabait ito at tapat makisama. Nakahulihan niya ng ugali, naging kaibigang matalik. Nang dumating ang pagtatapos ng semestre ng Abril, sa huling taon ng pag-aaral nito, ay ipinagpaalam siya ni Alex sa kanyang ina. “Susunduin ko ho si Gil sa Mayo para makapagbakasyon naman sa amin.”

Tandang-tanda niya ang araw na yaon. Kumuha sila ni Alex ng isang dyip na papuntang Divisoria. Sumakay sa bus na La Mallorca na biyaheng Hagonoy. At sa upuang dalawahan, siya sa dakong durungawan, nagpista ang kanyang mga mata sa magandang tanawing nadaraanan. Mga bukirin. Kulupong ng mga bahay na naiikot ng mga punong nagtataasan.

Ito’y Meycauayan, sabi ni Alex, kasabay ang isang malalim na paghinga. Nakatawa siyang tumango. At nang dumating sila sa Bocaue, kumindat si Alex. Tsoy, Bocaue. Sa Bigaa, may itinurong lumang bahay-kastila sa tabi ng highway si Alex. Maganda, sabi niya. At sabi ni Alex, taga-Bigaa si Balagtas. Taga-Bulakan, Bulakan naman sina del Pilar, ang daan ay pakaliwa, mula sa highway. At Guiguinto na. Ibig sabihin, malapit na ang Malolos. At sa may Tabang niya nakita ang tabi-tabing tindahan ng prutas. Tumpok ng ginintuang mangga. Santol. Mabolo.

At Malolos na. Baryo ng Tikay. Sta. Isabel. Dakila. Gandang pangalan, naisip niya. At liliko nang pakaliwa sa krosing. Riles ng tren, sa kung saan nanunulay sina Alex at mga kaiskwela sa paglalakad pag-uwi galing sa haiskul na nasa tabi ng kapitolyo. Tulay ng Catmon. Simbahan ng Barasoain. Nasa piso, sabi pa ni Alex, nakatawa. Casa Real, ang presidencia noong panahon ng Kastila. At tulay na naman. Sa kanan, ang munisipyo ng Malolos, nakaharap sa patyo ng simbahan. Sa gilid ng simbahan ay tumigil ang kanilang bus. Lumipat sila sa isang dyip, papunta raw ng Atlag. Ngunit hindi sila dumating ng Atlag. Pumara sila sa harap ng Malolos Central School. At nakiraan sa kung saan-saang bakuran.

“Ito ang Malolos,” nakatawa si Alex. Ang ibig sabihin, siya ay nasa teritoryo na nito.

Unang araw ng Mayo at unang araw ng pagsisiyam sa Santakrusan. “Mamayang gabi ay iilaw tayo,” sabi ni Alex.

Siya ay laking-Maynila at sa buhay niya ay hindi pa siya nakailaw minsan man sa prusisyon. Ang sabi ni Alex, dito sa Malolos ay mahuhusto ang pagkatao mo.

At hawak ang isang payat na kandila, na ang paghawak ay hindi patayo, dahil matutuluan ang kamay at di rin naman pagawing unahan, dahil baka makapaso sa sinusundang umiilaw, siya ay sumama sa prusisyon.

Maraming bumabati kay Alex, at alam niya, iniino siya. Alam rin niyang panay ang sulyap ng mga umiilaw sa kaibayo nilang linya. Ang linya ng mga kababaihan. Na nagbubulungan na waring siya ang pinag-uusapan. Yukung-yuko siya, parang napapahiya. At pinagbuti na lamang niya ang pakikinig sa tugtog ng gitara na kung minsan ay nasisintunado at sa mga namumunong mang-aawit na kadalasa’y hindi magkakasabay

Dios te salve, Maria, llena eres de gracia, El Senor es contigo, Bendita tu eres…

At ang panagot na awit. Sabay-sabay sa simula, ngunit kalaunan ay hindi na. Santa Maria, Madre de Dios, Ruega por nosotros, Pecador es hora en la hora…

Hanggang makita at marinig at makilala niya si Lucia. Ang mga sumunod na sandali, ang mga sumunod na araw at gabi, ay waring isang napakagandang pangarap na nagsisimula at nagtatapos dito. Tumatawang mga mata. Makinis na kayumanggi. Mahaba, kulot na buhok. Malambing na tinig

Mawiwili siya sa Malolos, naisip niya. Hindi siya makakaramdam ng pagod, kahit kasuluk-sulukan ng baryo ay libutin ng prusisyon, basta at katabi niya si Lucia. Basta at naririnig niya ang tinig nito.

Kay sarap pang kausap si Lucia. “Enjoy ka ba, Gil?”

Ang sagot niya. “Napakasaya rito sa inyo. Masarap sigurong maging tagarito.”

Tumawa si Lucia at para siyang nalunod. At naisip niya, sana’y huwag nang matapos ang gabi. Pagkatapos ng prusisyon, ang mga nagsiilaw ay pinamimiryenda pa pala. Natutuwang pinanood niya ang pagpapalinya ng isang matandang lalaki sa mga bata sa gitna ng lansangan. “Huwag magulo. Walang agawan. Walang doble.” Gumuguhit ang tinig nito sa kalaliman ng gabi, sa ibabaw ng di magkamayaw na ingay ng mga bata.

Ayon kay Alex, ang ipinamamahaging tinapay ay daan-daan kung bilhin sa Panaderya Concepcion sa bayan, at masasarap naman, magaganda pa ang mga pangalan: prinsipe, aruro, sigarilyo, galyetas, binanli, kamachile, mamon tostado.

Para naman sa mga kadalagahan at kabinataan, hindi pa sila nakararating sa bahay ng hermano ay nabalitaan na nilang ginatang bilu-bilo raw ang handang miryenda. Sapagkat ang mga nakakain na ay nagkakantahan nang masalubong nila sa daan. Santa ginatan, kami’y sandukan, baka kami maubusan…

Sa kaunting panahong itinulog niya nang unang gabing iyon, si Lucia ang laman ng kanyang mga pangarap. At ito pa rin ang unang katagang binanggit niya kay Alex nang siya ay magising. “Si Lucia, may boyfriend na ba?”

“Bakit?”

Tinutop niya ang kanyang dibdib. “Tinamaan yata ako ni Kupido.”




Tumawa si Alex. “Walang kasintahan si Lucia. At talagang katangi-tangi siya. Maganda. Mabait. May kaya pa sa buhay. Subukin mo. Baka maging mapalad ka. Kaya lang…”

Nagtama ang kanilang mga mata ni Alex. At noon niya nakita ang kanyang pagkakamali. Sa nakabiting ngiti nito. Sa mukhang waring tinakasan ng kulay. Sa garalgal ng tinig. Umiibig si Alex kay Lucia, ang katotohanang dagling sumilid sa kanyang ulo. Higit na may kaya sina Lucia, naaalangan si Alex, iyon ang dahilan. Ngunit sa mga sandaling iyon ay hindi aamin si Alex.

“Kaya lang, totohanan. Ganoon ba, Alex?”

Inabot ni Alex ang kanyang kamay. “Tutulungan kita, Gil.”


(Nangyari na ba ito sa isang pagbabakasyon ninyo? Isang summer romance? O love at first sight? Noon, may mga kaibigang katulad ni Alex. May kaibigan ba tayong tulad niya? Kung nangyari sa atin, gayon din kaya ang magiging reaksiyon natin. Tutulong? A, ngayon, siguro ay iba na. All is fair in love, sabi nga. Ngunit anong uri naman kaya ng kaibigan si Gil? Abangan ang katapusang yugto ng kwentong “Karugtong ng Isang Mayo”.)

No comments:

Post a Comment