Thursday, July 17, 2008

ISKOLAR – Katapusan



ISKOLAR – Katapusan

Naghapunan sila, hindi sa Recto, kundi sa Makati. At nag-enjoy siya. Bago sila naghiwalay, sabi ni Mr. Celestino. “Sa isang linggo, luluwas ulit ako. Birthday ko, Ellen, blow-out kita.”

Kaarawan ni Mr. Celestino, pwede ba siyang tumutol? At sa sumunod pang pagkakataon na kaarawan naman niya? At iba pang okasyon tulad ng Valentine, kahit hindi nakatapat sa katorse ng Pebrero? At kalaunan, kahit wala nang okasyon, dahil gusto lang na maging up-to-date sa mga balita tungkol sa kanyang pag-aaral?

Sa pagitan ng mga panahong iyon, naglaho si Mr. Celestino, ang kliyente ng kanilang opisina, may-ari ng kung ilang sinehan at nagrerenta ng mga pelikula sa kanilang kompanya. Pumalit si Gerry, early forties, late nang nag-asawa, maliliit pa ang mga anak, mula sa angkan ng mga nag-pioneer ng pagtatayo ng sinehan sa kanilang probinsiya.

Sa ilang mga salita, ang kanilang mga nakaraan ay nailahad. At kinalimutan. Ang mahalaga ay ang hinaharap. At ang kasalukuyan.

Minsan, itinanong ni Gerry. “Nagka-boyfriend ka na ba, Ellen?”

Umiling siya. “Hindi.” Wala na ang pamumupo, ang paggalang sa dati ay tinatawag niyang Mr. Celestino. Ngayon ay Gerry na lang. Gerry.

“Ngayon?”

Sinalubong niya ang mga mata ni Gerry. Muli siyang umiling. “Wala.”

Semestral break, kaarawan ni Gerry, nang may nangyari. Pagkatapos ng hapunan sa isang restoran sa Makati, sa loob ng taksi nang sila ay pauwi na, ano nga ang sabi ni Gerry? Nang iabot niya ang isang munting kahita na may lamang cufflinks, regalo niya. Pinag-ipunan, binili sa Avenida Rizal.

Wala bang birthday kiss?

Malamig ang pisngi ni Gerry sa mainit niyang mga labi.

Nang biglang bumaling ito, hindi na niya nasundan ang kasunod. Nadama na lamang niyang pinaliliguan siya nito ng halik. Sa labi, sa pisngi, sa leeg, sa buhok, habang hapit siya nang mahigpit.

Bigla, may kumislap sa kanyang utak. Pay when able, sabi ni Gerry noon. Siya nga ay isang iskolar, ngunit, scholar with a difference. Ngunit ano ang ginagawa ni Gerry sa kanya ngayon?

Please, ang pakiusap niya, habang iniiwas ang kanyang mukha at inilalayo ang katawan sa pagkakayapos nito.

Please… ngunit malakas si Gerry at siya ay mahina. Mapusok ito at siya ay natatangay. Kalaunan ay gumaganti, nagpapaubaya. Nang gabing iyon, isinuko niya ang kanyang pagkabirhen kay Gerry. Na muli at muli pang naulit sa mga araw pang dumating. Kanyang nadama, siya ay bihag ng damdaming ginising ng bagong karanasan sa kanyang buhay.

Hanggang isang araw, napatingin siya sa kalendaryo. At siya ay kinabahan.

Diyos na mahabagin, ano itong kanyang nasuungan? May asawa si Gerry. Mayroong mga anak si Gerry! Walang kahihinatnan ang relasyong kanilang sinimulan. At ang kanyang dasal, O, mahal na Ina, huwag mo pong ipahintulot…

Ang kanyang hinihintay ay dumating at tiklop-tuhod siyang nangako. Nagkasala ako, Diyos ko, ngunit nangangako akong hindi na uulit. Puputulin ko ang lahat sa aming dalawa…

At kinausap niya si Gerry. “Sabi mo noon, pay when able. Hindi ko ito kalilimutan, Gerry. Darating ang panahon, tatanggapin mo ang kapalit ng lahat-lahat nang ginastos mo sa akin…”

Nagtama ang kanilang mga mata. Lumarawan, nabasa ang gunita ng isang gabi, ng unang gabi ng pagtatalik. Ang iwing pagtutol, tinalo ng ganyak na magpaubaya. Napailing siya.

“Kung tutuusin, Gerry, nakapaningil ka na. At maaari ko nang sabihin na bayad na ako sa iyo hanggang sa kahuli-hulihang sentimo ng aking mga utang.

Parang pinitpit si Gerry, walang katagang namutawi sa bibig.

SA kasera ni Ellen sa Bustillos, may munting salu-salong inihanda para sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo. Spaghetti na mabibilang ang mga sahog na meatballs. Dalawang taksing mga taga-opisina ang kasama niya sa selebrasyon. Hindi nakaluwas ang kanyang mga magulang, walang pamasahe. Si Manager, kahit hindi nakarating, may pabigay na cake na binili sa Goldilocks. Ang mga empleyado nilang checkers sa mga sinehan, nagkontribusyon, may dalang ice cream. Ang iba, regalo ang bitbit.

Naisip ni Ellen, hindi blue marlin, hindi teppanyaki sa Kimpura, hindi restoran sa Makati Avenue, ang blow-out sa kanyang graduation, ngunit nasisiyahan na rin siya. Maligaya sa kanyang desisyon na hindi na makipagkita kay Gerry.

Nagkamali siya. Nagkamali sila ni Gerry. Ngunit sino ang taong hindi nagkamali? Ang masama ay ang magpatuloy sa ginagawang kasalanan kahit namulat na ang mga mata sa kamaliang ito.

Anong lungkot ni Gerry sa ginawa nilang paghihiwalay. Ngunit ang iwing pagka-maginoo nito ay namayani pa rin. At ulit-ulit niyang ipinangako, pagdating ng panahon, makababayad rin ako, huwag kang mag-alaala.

Panay ang iling ni Gerry. As far as I am concerned, you owe me nothing.

Dahil bayad na ako? May sumbat sa kanyanag tinig.

Nagtiim ng bagang si Gerry. Nangyari ang mga nangyari dahil.. dahil mahal kita. Hindi sa ako’y naningil. Can’t you see, Ellen, I’ve fallen in love with you! Sana nga, huwag tayong maghiwalay. Ngunit alam ko, alang-alang sa iyong kinabukasan, marapat lamang.

Sa bugso ng damdaming nadama, nilapitan niya si Gerry, hinagkan, sa noo. At kanyang ibinulong. Salamat. Salamat.

Ngunit ang karugtong ng pasasalamat ay hindi na niya isinatinig. Mahal rin kita, Gerry… Mahal rin kita….

Liwayway, 30 Marso 1987

2 comments:

  1. Marami akong mga kababata na nagkaroon ng mga Iskolar. Dalawang kababata ko na parehong mayaman, na sumakabilang buhay,na ang istorya ay nang nakaburol,may nakipaglibing na pamilya na hindi kilala ng mga tunay na pamilya ng mga pumanaw. Mga iskolar daw ito na naanakan pa.Sa kahirapan,lalo na ngayon, palagay ko mas madalas pang mangyari ito. Pete P

    ReplyDelete
  2. Matagal ko nang nabasa ang "Iskolar". Hindi ako nakapag comment. Ngayon, pagkatapos kong ulitin, may namuong alaala sa akin. Parang may katulad itong kwnetong ito, sa tunay na buhay.

    Maganda at maayos kang magkwento. Malinaw, madaling maintindihan. At nakakarelate sa pangyayaring pangkasalukuyan.

    Ang mga realidad sa buhay, mababasa sa mga kwento mo. At merong kaaralang mapupulot.

    Kaya lang, kung minsan, I get carried away. Nakakareact ako emotionally. And mentally. At sa to too lang, naihahambing sa mga tunny na pangyayari sa ating kapaligiran.

    Naghihintay ako ng bagong kwento. Namimiss ko na ang mga "creations" mo.

    Ruby

    ReplyDelete