Tuesday, April 8, 2008

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

Ikalawa sa Tatlong Bahagi

DUMATING kinabukasan ang mga magulang ni Romy. At halos kasunod, ang ama’t ina niya. Kinukuha siya. Tumutol ang partido ni Romy. “Nahihiya kami sa ginawa ng aming anak,” wika ng ama ni Romy. “Ngunit nakahanda kaming ituwid ang lahat. Ipakakasal namin nang maayos ang mga bata.”

Umiling ang ama niya. “Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali.”

“Ano’ng ibig ninyong sabihin?” Gumatol ang tinig ng ama ni Romy.

“Hindi kailangang ikasal ang mga bata.”

Hinanap ng kanyang mga mata ang mukha ng kanyang ina. Yumuko ito. At sinaklot ng isang walang pangalang pangamba ang kanyang buong katauhan. Hindi sa nangyari sa kanya. O sa mangyayari sa kanya. Kundi sa nakaambang pagkawala sa kanyang buhay ni Romy.

Nang sinundang gabi lamang. Ang mga labi, mga halik ni Romy. Ang mga bisig na nagsilbing unan niya sa magdamag. Ang lumulukob na init ng katawan. Ang…

Nanaig ang kagustuhan ng kanyang mga magulang. Hindi sila ikinasal. At umiyak siya nang umiyak.

Sabi ng kanyang ama. “Sige, umiyak ka na hanggang gusto mo. Ngayon. Dahil matutulungan ka pa namin. Kung ikaw ay aming ipinakasal, wala ka nang kawala sa iyong kapalaran.”

Ang kanyang ina. “Kung ang iniiyak mo ay ang maaaring sabihin ng mga tao, nagsasayang ka lamang ng luha. Dahil lilipas ang mga tsismis. Magsasawa ang mga bunganga sa pagdalirot sa iyong buhay. Darating ang panahong malilimutan na ang lahat. Pero kung pumayag kaming makasal ka kay Romy, ano’ng mangyayari sa iyo? Hindi ka na makapag-aaral. Magkakasuson-suson ang inyong mga anak. Hindi na makatatapos ng karera si Romy. Kailangang maghanap-buhay para may maipakain sa inyo. Ano’ng inyong kahihinatnan? Wala. Beinte anyos ka pa lamang, pindangga ka sa kunsumisyon.”

Dinala siya sa lungsod. Pinatingnan sa isang kakilalang doktor. Balak ipagamot. Kung. Pero talagang wala. Hindi nagkabunga ang isang gabing pagsisiping nila ni Romy. At siya, sa panlabas na anyo, ay isa pa ring dalaga. A, hindi. Isa pa ring dalagita. Dahil labinlima pa lamang siya.

Sa lungsod na siya nagpatuloy ng pag-aaral. Matagal bago niya nakalimutan si Romy. Sa isang mahabang panahon, ito pa rin ang simula at wakas ng kanyang mga araw. Ang laman ng kanyang mga panaginip. At sa kanyang mga panaginip, laging kapiling niya si Romy. Hinahagkan siya. Nilulukuban ng init ang katawan. Ang pangako ay halos marating niya. Saka siya magigising. At gusto niyang sumigaw. Alam niya, kapag nagpatuloy ang gayong pangyayari, may hibla ng katinuang malalagot sa kanya.

Saka dumating ang isang balita. Nagtanan ng babae si Romy. Isang dati niyang kamag-aral. Kakilala. At ikinasal.

Ang pagnanasa kay Romy ay nasubhan. Hindi niya ako mahal. Kay daling panahon, nakakuha na siya ng kapalit.

At siya ay nakalimot.

LABINGWALO siya. At maganda. Ang nakaraan ay anino na lamang sa kanyang mga mata. Isang pangako ng kaalaman, na kumikiliti sa mga matang matapang makipagtitigan sa kanya.

Kakilala si Erwin ng isang kamag-aral sa kolehiyo. Guwapo. Nanliligaw sa kanya. At nadama niya, nahuhulog ang kanyang loob dito.

“Leni, kailan mo pa ‘ko sasagutin?”

“Kailan lamang tayo nagkakila, Erwin.”

“Ano pa ba ang dapat nating malaman sa isa’t isa. Mabuti akong tao. Walang masamang hangarin sa iyo.”

“Ikaw, mabuting tao. E, ako. Hindi mo ako lubusang nakikilala, Erwin.”

“Wala sa mukha mo, Leni…”

“Malay mo.”

“Wala sa tipo mo, Leni.”

“Wala nga marahil, Erwin. Pero gusto ko pa ring malaman mo ang lahat tungkol sa akin. Bago kita sagutin.”

“Hindi mahalaga sa akin ang iyong nakaraan, Leni. Mahalin mo lang ako. Sabihin mo lang na mahal mo ako.”

“Mahal… mahal kita, Erwin. Pero…”

“Tama na, Leni. Huwag ka nang magsalita. Mahal mo ako. At mahal kita. Iyon lamang ang mahalaga para sa akin.”

Naging kasintahan niya si Erwin. Labingwalo siya at dalawampu ito. At sa loob ng mahaba rin namang panahon mula nang magkahiwalay sila ni Romy, muli niyang nadama ang ligaya ng isang minamahal at nagmamahal. Ngunit ligayang nalalambungan ng pangamba. Paano kung dumating sa kaalaman ni Erwin ang lahat? Hindi raw mahalaga rito ang nakaraan niya, sapagka’t marahil, ang akala ni Erwin, sa bokabularyo ni Erwin, ang tinatawag na nakaraan ng isang dalagang tulad niya ay ang pagkakaroon lamang ng kung ilang manliligaw, o isa o dalawang kasintahan. Mga crush. Puppy love. Romantic interest. At wala na.

Isang araw, hindi na lamang dumating si Erwin. Sa oras na dapat idalaw ay wala. Naghintay siya. Baka nagkasakit. O may mahalagang pinagkaabalahan. Mga pangyayariwng hindi maiwasan.

Makaraan ang isang linggo, tumanggap siya ng isang sulat. Ikinalulungkot ko, Leni, makabubuting maghiwalay na tayo. Maraming sinabing dahilan si Erwin. Na kailangang magtapos muna sila ng pag-aaral. Na mabuting ipaubaya sa panahon ang pagsubok sa katapatan ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa.

Matagal bago niya nalaman ang lahat. Maliit lamang ang daigdig, ang wika nga. Sa isang kasayahan, may nakatagpo si Erwin na isa niyang kababayan. At tama ang kutob ng kanyang loob. Iba ang pakahulugan ni Erwin sa tinatawag na nakaraan ng isang dalagang tulad niya. Hindi ang katotohanang nangyari sa kanya.

Ang pait ay unti-unti niyang nadama.

DALAWAMPU’T isa siya. At tapos na ng karera. Nag-oopisina sa isang malaking tanggapan. Kasamahan niya si Lino.

“Maaari bang makadalaw sa inyo, Leni?”

May pag-ibig si Lino, alam niya. Nasa mga kilos nito. At nabuo ang isang balak sa kanyang isipan. “Bakit hindi….”

Dumalaw, nanligaw, matiyagang sinuyo siya ni Lino. May personalidad, may ipinangangakong hinaharap sa trabaho, maalalahanin, si Lino. Mga katangiang umakit sa kanya. At siya’y nagpasiya.

“Gaano mo ako kamahal, Lino?”

“Nakahanda akong pakasal sa iyo, Leni, mabigyan lamang ng kaunting panahon upang makapaghanda.”

“Pwede bang malaman, Lino, kung bakit ako ang napili mong ligawan sa dinami-dami ng iyong mga kakilalang dalaga?”

“Tahimik ka, Leni, iyong tinatawag na mahinhin, na sa panahong ito’y bihira nang matagpuan. Mukha kang mabait, at sa tinagal-tagal ng ating pagkakaibigan ay napatunayan kong totoo. Saka, maganda ka. Hindi ako naiiba sa karaniwang lalaki. Gusto ko ng maganda.”

“Ibig mong sabihin, Lino, nagustuhan mo lamang ako dahil sa magaganda kong katangian? Paano kung malamang mong may natatago pala akong hindi kainamang ugali, e, di mababawasan ang iyong pag-ibig sa akin. Ha, Lino?”

“Hindi rin naman, Leni. Walang taong perpekto. Kaya hindi ko inaasahang wala kang kapintasan. Mahal ko pati iyong kapintasan, Leni, sapagkat bahagi iyon ng iyong sarili. Gayon ang aking pag-ibig. Walang hangganan.”

“Hindi sa ayokong maniwala, Lino. Ngunit pakinggan mo muna ang aking ipagtatapat sa iyo. Tungkol sa akin. Isang karanasan.”

Matamang nakinig si Lino sa kanyang mga sinabi. Ngunit maliban sa pamumuti ng kamao sa mariing pagkadaop ng kamay ay wala na siyang nakitang reaksiyon. Sa kilos. Sa salita. Sa kabila niyon, hindi na niya inasahang babalik pa o magpapatuloy pa ng panliligaw si Lino.

Bumalik si Lino. Sa panunuyo. At paano siya makatatanggi. Naging magkasintahan sila.

“Manood tayo ng sine, Leni.”

Rizal Park. Tabing-dagat. Dancing fountain. Chinese Garden. Damuhan. Malilikot na kamay. Ang piping pagtutol ay nagkatinig. “Lino, huwag!”

At hindi niya nagustuhan ang isinukling ngiti ng kasintahan. Sa pakiramdam niya’t para ba siyang inuuyam.

“Outing tayo ngayonag weekend na ito, Leni.”

Ang pagyayaya ay ginanti niya ng tanong. “Kailan mo balak na tayo ay pakasal, Lino?”

May isang saglit na natigilan si Lino. Pagkuwa’y mataman siyang tinitigan. Ang mukha ni Lino ay ang mukha ng Linong nanunuyo sa kanya noong araw na hindi pa alam ang kanyang nakaraan. “Patawarin mo ako, Leni. Sa aking mga ginagawa sa iyo. Nahihirapan ang aking loob na sabihin… may hangganan ang aking pag-ibig. Leni, hindi ko matanggap ang iyong ipinagtapat sa akin. Parang nakukulangan ang aking pagkalalaki. Leni, alam kong mali, ngunit sana’y maunawaan mo ako…”

Naunawaan niya si Lino at sila ay naghiwalay. Hindi naglipat buwan, lumipat ito ng opisinang pinapasukan.

(Hindi na ba makatatagpo si Leni ng tunay na magmamahal sa kanya? Wala na ba siyang tinatanaw sa buhay? Abangan ang katapusang bahagi ng “Labinlima lamang, Ibig nang mag-asawa”.

1 comment:

  1. rubydalusong37@aol.comFebruary 14, 2012 at 12:22 PM

    Ang tunay na pagmamahal ay walang hangganan. Ang nakaraan ay tapos na, bahagi lamang ng isang kahapon at sa aking palagay ay hindi dapat makaapekto sa isang tunay na damdamin. Hanga ako kay Leni dahil naging matapat siya kahit ang naging kapalit ay ang pakikipaghiwalay niya sa taong natutuhan na rin niyang mahalin. Makakatagpo rin siya ng isang lalaking mamahalin siya ng buong buo, walang pasubali , dahil ganuon ang tunay na pagmamahal.

    ReplyDelete