Wednesday, April 16, 2008

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA, Katapusan

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA
Katapusan

DALAWAMPU’T anim na taon siya at sa isang bangko namamasukan. Mahigit nang sampung taon, mula nang mangyari ang kanyang mapait na karanasan. Kapwa namayapa na ang kanyang mga magulang. Sa isang may asawang kapatid sa lungsod, pamalagian na siyang naninirahan. Bihira na siyang mauwi sa lalawigan. Ang pamilya na lamang ng kanyang kapatid. Ito ang naghahatid sa kanya ng mga balita.

Kay raming anak ni Romy, ang balita. Kamamatay lamang ng bunso sa isang hindi naagapang sakit. Payat na payat ang asawa ni Romy. Umuubo pa. Duwa, may tisis. At si Romy, walang palagiang trabaho.

Ang balita ay tatapusin ng kanyang kapatid sa isang malalim na buntung-hininga. Pasalamat ka, Leni, sa ginawa ng mga Tatay. Na hindi ka ipinakasal sa kabila ng mga nangyari. Kundi ay ikaw ang nasa kalagayan ngayon ng asawa ni Romy. Laking inam ng buhay mo ngayon…

Ang kanyang buhay?

Gigising sa umaga. Maliligo. Tutulong nang bahagya sa paghahain ng almusal. Magmamadali sa pagkain. Makikiangkas sa kotse ng kapatid pagtungo sa opisina. Bababa sa downtown. Lalakarin ang kahabaan ng Carriedo, Plaza Sta. Cruz. Escolta. Magpa-punch in. Aayusin ang mesa. Papalisin ang mga alikabok na hindi nakita ng diyanitor. Trabaho na. Breaktime. Kaunting satsatan. Tsismis. Trabaho na naman. Lunch break. Pipila sa kantina. Ginisang munggo kung Biyernes. Trabaho na naman. Break na muli. Trabaho. Uwian. Sa dating rota. Aabangan ang kotse ng kapatid. Bahay. TV. Kabisado na niya ang mga programa sa telebisyon. The Avengers kung Lunes. Hawaii Five-O kung Martes. Miyerkoles ay Mannix. Celebrity Hour kung Huwebes. Rhoda and Me kung…. A bago matulog, isang pocketbook na pampaantok. Wala na. Tapos na.

Anong laking inam raw ng kanyang buhay!

Dalawamput’ anim na taon siya at kung tutuusin ay bata pa rin, ngunit nakahanda na ang kanyang loob sa gayong takbo ng kanyang buhay. Nag-iisa. Ulila sa pagmamahal. Basta, mag-iipon na lamang ng pera at bahala na kung sino ang mag-aalaga sa kanyng pagtanda. Doon niya iiwanan ang natipong kabuhayan.

Matandang dalaga. Hindi kagandahang pakinggan. Career woman. Mabuti-buti. Pero wala na siyang magagawa. Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Erwin at ni Lino, bakit pa niya muling ipakikipagsapalaran ang kanyang damdamin? Muli lamang siyang masasaktan. Kaya, hindi na niya pinansin ang mga lalaking nanligaw sa kanya.

Hanggang sa makilala niya si Roman.

“Kaya pala hindi pa ako nag-aasawa, Leni.”

Nakaiigaya ang mga biro ni Roman. Pilit, hinawakan niya ang sarili. Leni, Leni, huwag kang patatangay.

Kalaunan, naging matapat na si Roman. Wala nang halong biro ang mga sinasabi. “Mahal kita, Leni.”

Kung bakit hindi niya magawa kay Roman ang madaliang pagbigo na siya niyang standard procedure sa mga manliligaw. May boyfriend na ‘ko. Tiyak, hindi maniniwala si Roman. Wala akong balak mag-asawa. Tatawanan lamang siya ni Roman.

Nagpatawing-tawing siya sa balak na pagbigo sa pangingibig ni Roman. Hanggang dumating ang araw na tumututol na ang kanyang puso sa gagawin. Ikamamatay niya kapag nawala pa si Roman sa kanyang buhay.

Noon sumilang ang isang ideya. Isang kaisipang hindi mainam ngunit isang pagkakataon sa kaligayahan. Hindi kailangang malaman ni Roman ang lahat sa katayuang maaari pa itong umurong. Tulad ni Erwin. At hindi rin kailangang ipagtapat niya rito ang lahat, tulad nang ginawa niya kay Lino.

“Alam mo, Roman, talagang balak ko ang magpakatandang dalaga.”

Tumawa si Roman. “Kung di ako dumating, Leni…”

Tumawa rin siya. “Pero, alam mo, Roman. .. kung makatatagpo rin lamang ako ng lalaking iibigin, ang gusto ko’y kasal agad. Ayoko ng long engagement.”

Nagpormal si Roman. “Kung iibigin mo ako, Leni, ipinangangako ko sa iyo, pakakasal tayo agad. Nasa edad na naman tayo kapwa.”

Iyon ang kanyang ideya. Ang matalian si Roman upang malaman man nito, hindi na rin makauurong. Bahala na ang pagpapaliwanag pagkatapos. Mauunawaan na rin marahil ni Roman. Ibubukas niya ang kanyang puso. Ilalahad niya ang pait na nadama sa pagtalikod ni Erwin. Ni Lino. Marahil, mapatatawad na rin siya nito. Gagawin niya ang lahat upang mahalin siya, patawarin, ni Roman.

Itinakda ang kanilang kasal. Isang tahimik na kasal. Pamilya lamang. Walang ibang imbitado. Kinausap na nila ang restoran na kakainan. Reserbado na ang tiket ng eroplano na sasakyan nila patungo sa Davao na pagdarausan ng kanilang pulut gata. Sinukatan na siya ng modista, napili na nila ang telang gagamitin na damit pangkasal.

Puting alaskin. Busilak na puti. Sapagkat ang ikakasal ay isang birhen, ang sabi ng madaldal na modista.

Noon nanghina ang kanyang loob. Siya ay hindi na birhen. Dinadaya niya si Roman. Hindi niya magagawa iyon kay Roman. Pinakamamahal niya si Roman. Higit sa kay Romy. Kay Erwin. Kay Lino.

“Pakinggan mo ako, Roman. Magagalit ka sa aking sasabihin, ngunit maipagpapasalaman mo rin ang lahat. Roman… Roman… nais kong iurong ang ating kasal.”

“Leni! Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Mahal kita, Roman. Pinakamamahal. Tandaan mo.”

“Kung gayo’y bakit, Leni? Bakit?”

“Hindi ako karapat-dapat, Roman. May nakaraan ako. Na ipinaglihim ko sa iyo. Roman… hindi na ako birhen!”

“Leni!”

Pinigil niya ang luha. Ayaw niyang kaawaan siya ni Roman. “Labinlima ako, noon. Roman. Nasa high school. At si Romy….”

Matagal na siyang tapos sa pagtatapat, hindi pa rin umiimik si Roman. O, R;oman. Paalam, Roman…

Saka hinawakan ni Roman ang kanyang palad. Pinisil-pisil. “Leni, ako naman ang may ipagtatapat sa iyo.”

Isang binatilyo at isang dalagita, magkamag-aral din sa high school, naging magkasintahan. Nagtanan. Ang dalagita ay binawi ng mga magulang. Sa kabila ng nangyari. Ang dahilan ay hindi ang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay. Kapwa mabuting pamilya ang dalawa. Manapa’y upang iiwas ang dalawang kabataan sa susuunging hirap ng pagpapamilya nang hindi pa nakahanda. Sa pagdaraan ng araw, nagmaliw ang pagtitinginan. At ilang taon lamang ang nakalilipas, ang dalagita ay ikinasal. Sa isang kababata. Na hindi inalintana ang nakaraan. Pag-ibig.

Ang dalagita ay kapatid ni Roman.

SA GABI ng pulutgata, tinanong ni Leni si Roman. “Kung hindi nangyari sa inyong pamilya ang katulad ng aking karanasan, nasaan na kaya ako ngayon? Iniwan mo na rin ako marahil. Tulad ni Erwin. At ni Lino.”

Tinitigan siya ni Roman habang hawak-hawak, pisil-pisil ang kanyang kamay. “Marahil nga, Leni. Maaaring makitid din ang aking pag-iisip, nadadala ng damdamin, mataas ang pride. Ngunit ewan… maaari rin namang lumawak ang aking pag-unawa, pagkatapos nang nangyari sa aking kapatid. Maaari rin namang likas na matibay, walang hangganan ang aking pag-ibig. Sa karanasan ng aking kapatid, naniniwala na ako na may gayong uri ng pag-ibig. Naniniwala na ako, Leni. Naniniwala na ako sa pag-ibig!”

At siya ay naniniwala rin. “Ako rin, Roman. Ako rin….”

Liwayway, Disyembre 06, 1971

3 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. Ahahaha! Naka-relate ako dun sa "Pipila sa kantina. Ginisang munggo kung Biyernes. Trabaho na naman." And this was written in 1971, hindi pa ko pinapanganak! Timeless. =)

    ReplyDelete
  3. rubydalusong37@aol.comFebruary 14, 2012 at 12:35 PM

    Iyan ang sinasabi kong tunay na pagibig. Masaya ako para kay Leni. Hindi siya para kay Romy, Erwin at Lino. Para siya kay Roman..Masaya ako dahil happy ending . Ang tanong: nagkaanak ba sila?

    ReplyDelete