Sunday, November 9, 2008

KAGABI, MARAMI NANG TODOS LOS SANTOS ANG NAKALIPAS - Katapusan

KAGABI,

MARAMI NANG TODOS LOS SANTOS

ANG NAKALIPAS

(Katapusan)

IBA ang dalaw sa girlfriend, iba ang dalaw sa barkada. Kung papaanong iba ang dalaw ng boyfriend sa dalaw ng mga kabarkada. Kaya sa kabila ng lahat ng mga pagbabago sa kanilang buhay, buo pa rin ang barkada.

“Hanga kami sa inyo,” nasasabi ng ilan nilang kakilala. “Paano ninyo napagtagal ang inyong pagsasamahan?”

“Simple lang,” sabi nila. “Walang ligawan.”

Walang ligawan. Kahit talos niyang umiibig na si Berting kay Nenita. Pag-ibig na sumilang sa kagandahan ng kanilang pagkakaibigan. Na di katulad ng kanyang pag-ibig sa dalaga. Sapagkat iniibig na niya si Nenita, noon pa mang nakakasakay niya ito sa diyep ni Erning sa pag-aaral nila sa high school.

Marami ring manliligaw si Nenita ngunit waring wala itong napupusuan.

“Masyado ka yatang pihikan,” puna niya.

“Hindi,” sabad ni Berting. “Hinihintay ni Nenitang ligawan ko siya.”

Kinurot ni Nenita si Berting. “Oy, kinakapatid na kita at hindi katalo, e, kabarkada pa.”

Hindi na muling binanggit ni Berting ang tungkol sa ligawan kay Nenita. At lalong hindi niya nakuhang magparamdam dito. Tiwala si Nenita sa kanila. Pati mga magulang nito.

Saka nangyari ang isang sakuna sa buhay ni Nenita. Naaksidente ang diyep na sinasakyan. Nagkadiperensiya nang malaki, mula sa baywang pababa sa dalawang paa. Nahinto sa pag-aaral. Namalagi sa bahay.

Sabi ng ina ni Nenita. Lagi siyang nag-iisip. At nais na laging nag- iisa. Ayaw makikipag-usap. Ayaw padadalaw.

Maliban sa kanila. Ang buong barkada ay nakadadalaw, pinadadalaw pa rin ni Nenita. Sila lamang ang kinakausap nito. At nakapagpapatawa rito.

Dinalhan ni Berting ng mga magasing babasahin si Nenita. At ang dinala naman nina Coring, Lita at Mila ay tsismis, samu’t saring mga balita tungkol sa kanilang mga kakilala. Na nakaligaya rin para kay Nenita. Nagdala si Ado ng scrabble at siya naman ay baraha. At sa mga panahong siya’y nag-iisa sa pagbisita kay Nenita, nagbabaraha sila. Rummy, crazy eight, black jack.

Minsa’y hinulaan niya si Nenita.

Binobola mo ako, marunong ka ba talaga?

Ikaw lang. at sinimulan niyang ihanay ang mga baraha. At ang kanyang mga sinabi ay hindi pambobola. Sa kabila ng iyong kalagayan, may isang tapat na nagmamahal sa iyo, isang nakahandang pakasal, ano man ang iyong kaanyuan.

Ang tawa ni Nenita ay nauwi sa impit na hagulgol. At iniwan niya ito sa tahimik na pagluha.

May balita si Nenita nang siya ay bumalik. Totoo ang iyong hula, Dan. Nagtapat na nga siya sa akin.

Si Berting, pabigla niyang tanong.

Si Berting, at malungkot na umiling si Nenita. Kung bakit ginawa ni Berting ang bagay na iyon sa akin ay matagal kong pag-iisipan.

Mahal ka niya.

Muling umiling si Nenita. Naawa siya sa akin. Isang buhay na walang kahihinatnan.

Mahal ka niya, ulit niya.

Naawa lang siya, muli ring ulit ni Nenita.

Hindi ka naniniwala, tanong niya.

Sa kalagayan ko, sino’ng maniniwala na hindi pagkaawa ang nadarama para sa akin.

Pero….

A… Dan. Huwag mo nang tulungan si Berting. Hinding-hindi niya ako mapaniniwala. Kilala ko na kayo. Ilang taon na tayong magkakasama. Kung talagang mahal ako ni Berting noon pa man, na tulad nang kanyang sinasabi, bakit hindi siya nagsabi noon. Noong hindi pa ako ganito.

Nenita…. Barkada tayo, hindi ba. Bawal ang ligawan. Maitim ang buto, kulta ang utak ng manililigaw. Hindi ba?

Kung talagang mahal…

Nenita….Nenita… hindi ka magagalit… kung nagtapat si Berting noon?

Isang iling.

Ang iyong mga magulang…

Mauunawaan din nila.

Kung gayo’y mahal mo rin si Berting, Nenita. Kung nagtapat siya noon…

Nakayukong umiling si Nenita. Bilang kaibigan lamang. Wala na. pero… ang ginawa niyang pagtatapat ngayon, parang… parang mapait sa aking panlasa.

Saka ngumiti si Nenita. Ng ngiting nagmumula sa labi at tumutuloy sa magagandang mata. Ngunit malungkot na ngiti. At lubusang naglaho ang kanyang pag-asa

Dumalang ang pamamasyal ni Berting kina Nenita. Gayon din sina Rolly at Ado, Lita, Coring, Mila. Sa iba’t ibang kadahilanan. Siya lamang ang kalaunan ay naging matapat, patuloy sa madalas na pagdalaw. At nang Undas nang taong iyon ng aksidente ni Nenita, sila lamang dalawa ang nagkita. Naglaro ng baraha. Nagkuwentuhan. Pinagbalikan sa alaala ang kauna-unahang Undas sa kanilang pagkakaibigan.

Natatandaan mo pa ba. Noong mangaluluwa tayo sa may tabi ng kiskisan. Itinatanong kung saan natin gagamitin ang perang ililimos sa atin.

Hindi tayo nakasagot, kasi, ibubulsa lamang naman nating talaga iyon.

Saya lang ng ating barkada.

Alam mo, Dan, kung uuliting muli ang buhay ko, ibig kong sabihin, kung bibigyan ako ng pagkakataong makapili ng uri ng buhay na tatahakin sa mundong ito, hindi ako magdadalawang-isip. Nanaisin kong muli ang magkaroon ng barkada… na bubuuin nating lahat. Sina Coring, Lita, Mila. Saka sina Berting, Ado, Rolly, ikaw…ako…

Pero ako, Nenita, ayoko.

Ayaw mo. Ng barkada. Natin?

Mataman niyang sinalubong ang hindi makapaniwalang mga mata ni Nenita. Nakangiti siyang umiling-iling. Totoo ‘yon. Ayaw ko ng barkada. Na may ipinagbabawal. Tulad ng ligawan . unfair yon, Nenita. Unfair.

Nanunuot ang titig ni Nenita. Nag-aanyayang ituloy niya ang kanyang sinasabi. At nagpatuloy siya. Huwag kang magagalit, Nenita. Hwag mong hatulan ang aking sasabihin ayon sa kalagayan mo ngayon. Pagbalikan mo sa isip ang ating nakaraan. Ang mga kilos ko noon, ang mga salita…

Walang sinabi si Nenita matapos marinig ang kanyang mga ipinagtapat. Dan… Dan… sabi nito, kasabay ang bahagyang tapik ng palad sa kanyang kamay na wari bagang siya ay inaaliw. Dan… at ngumiti pa si Nenita. Ngiting nauwi sa isang hikbi. Sa isang pagluha.

Hindi ako nagagalit sa yo, Dan. At halos pabulong, hindi na marinig, nanghihinayang lang, Dan. Nanghihinayang lang…

DINUKOT ni Dan sa bulsa ang pambayad sa toll. Mahabang- mahaba ang pila ng mga sasakyang papasok sa lungsod. Mga nanggaling sa probinsiya. Na ang araw at gabi ng Undas ay doon pinalipas. Tulad niya. Na hindi nakalilimot umuwi. At dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay.

Isang Undas na naman ang lumipas sa kanyang buhay. Ilang Undas na nga buhat nang mamatay si Nenita? Isang malubhang sakit na sumapi sa gapi nang katawan. Ilang Undas na buhat nang mabuo ang kanilang barkada? Maraming-marami nang Undas! Pero, parang kahapon lamang. Parang kagabi lamang…

Basta. Walang ligawan. Para walang masabi ang mga magulang natin. Lalo na ang mga babae. Baka akalaing sinasamantala natin ang ating pagkakaibigan. Sinasangkalan pa ang barkada. Basta. Walang ligawan.

Pinangatawanan nila. Sila’y mga lalaking mapagkakatiwalaan. Iyon ang kanilang panahon. Ang kanilang panahon…

Ngayon? A, pagtatawanan sila.

At marahil nga. Dahil binata pa siya, hanggang ngayon. Patuloy sa paghahanap ng isa pang Nenita sa kanyang buhay. Paghihintay sa isang pag-ibig na hindi na sisikilin.

LIWAYWAY, Nobyembre 1, 1971

1 comment:

  1. Maganda ang story at na-iiba ang twist, at sa huli ay namatay pala si Nenita. Iba ang ending. Aabangan ko ang susunod na story for December. -- M

    ReplyDelete