Wednesday, March 19, 2008

GA'NONG PORSIYENTO NG PAGMAMAHAL? Katapusan

GA’NONG PORSIYENTO NG PAGMAMAHAL – Katapusan


PAG-IINGAT lamang ang ginagawa ko sa palagayan namin ni Bien. Huwag siyang palayawin sa aking pagmamahal at pagsunod, upang lagi niyang magunita na kailangang ipagpatuloy niya ang panunuyo, kahit kami ay mag-asawa na, na sa kanya manggaling ang pag-aalaga sa aming pagsasama. At sapagkat talaga ko naman siyang mahal, natitiyak kong magiging mainam ang aming palagayan.

Makaraan lamang ang anim na buwan ay sumunod nang napakasal sina Aida at Roy. At ako naman ang naglagay ng tanong sa tarheta ng aming regalo. Any second thought about the 100%? Kung nagbago na siya ng loob tungkol sa pormularyo niya sa mabuting pagsasama.

Na sinagot naman niya ng I want it that way. Iyon ang nais niya. Iyon ang gagawin niya.

At naisaloob ko, gaga!

Sa kabila ng lahat, lagi pa rin kaming nagkikita-kita, nagdadalawan sa kani-kanyang bahay. At nakita ng aking mga mata ang patunay ng sandaang bahagdan na pagbibigay ni Aida.

“Sayang naman ang suweldo mo, Aida. Hindi mo naman kailangang tumigil sa pag-oopisina,” sinabi ko sa kanya.

Umiling si Aida. “Nanghihinayang din ako, Connie, ano’ng akala mo. Pero gusto ni Roy.”

“Gusto ni Roy!” Nagsiklab ako, na parang ako ang pinapaghinto ng pagtatrabaho.

“At gusto ko na rin,” agaw niya. “Nang mapag-isip-isip ko ang lahat. Lumalaki ang mga bata, panay katulong ang mga kasama. Mabuti ang mga anak mo, ang bahay ninyo’y katabi lang ng bahay ng nanay mo. Walang problema.”

Doon natapos ang aming pag-uusap. Ngunit hindi doon natapos and aking pagkainis. Sa aming pagkukuwentuhan ni Aida, madalas niyang mabanggit na kung nagkakatampuhan sila ni Roy, siya, si Aida, ang laging unang bumabati. Lalo’t alanganin kung sino ang talagang may kasalanan.

“Kung alanganin, lalong hindi ako ang mauunang bumati,” ang sabi ko. “Pag nawili iyon, hindi na aamin kahit na siya ang talagang may sala.”

Tumawa is Aida. “Iyon naman ang maganda sa aming pagsasama, Connie. Kung talagang siya ang nagkamali, siya ang lumalapit.”

“Mabuti naman.” Alanganin akong maniwala. Si Bien, kahit na garapal nang siya ang nagkamali ay hindi naunang lumapit sa akin. Kung sabagay, hindi pa rin naman nangyaring nauna akong lumapit sa kanya.

Ang aming pagtatampuhan ay laging natutuloy sa walang imikang pagsasalo sa pagkain, magkatalikod na paghiga sa kama, na tumatagal nang kung ilang araw. Karaniwan nang ang aming pagkakasundo o pagsisimulang mag-usap ay nangyayari lamang dahil sa pakikipag-usap sa mga bata o sa biglang pagdating ng panauhin o sa pangambang mapuna ng mga kasambahay, ng aking mga magulang sa kabilang bahay. Ngunit nauna man ako o si Bien na magsalita ay hindi rin mahalaga sapagkat wala roon ang katunayan ng pag-amin ng pagkakamali.

Minsan, itinanong ko kay Aida. “Bakit ka ganoon, Aida?”

“Mahal ko si Roy,” ang sagot.

“Mahal ko rin si Bien,” ang wika ko.

Nag-isip si Aida. “Sabihin na lang natin na ganoon akong magmahal. At iba naman ang iyong pamamaraan."

Napatango ako. “Marahil nga. Magkaiba tayo.” Ngunit alam ko, sa ubod ng aking sarili, na magkapareho lamang kami. At ng lahat na ng mga babae, marahil. Ang magmahal at ipakita ang pagmamahal ang kaganapan sa amin. Kaya lamang, ang lahat ay ginagamitan ko ng isip. Kung paanong ang puso ang pinagagana ni Aida.

“Basta maligaya naman kayo ni Bien, walang problema. Tulad namin ni Roy,” dito natapos ang usapan namin ni Aida.

SI ROY. Nasa probinsiya kaming mag-anak dahil sa namayapang ina ni Bien nang maaksidente si Roy. At di na nagkamalay, tuluyan nang binawian ng buhay. Nang umuwi kami at napag-alaman ang lahat ay araw na ng libing ni Roy, sa lalawigang karatig ng lungsod.

“Wala na si Roy, akalain mo,” may kahalong buntung-hininga ang sinabi ni Bien.

Hindi ako kumibo. Ang naalaala ko ay si Aida. Ang mapagmahal, mapagbigay na si Aida. Kaawa-awang Aida. Wala na si Roy. Kay sakit marahil ng kanyang nadarama. Siyento porsiyento, mapait ang mga kataga sa aking bibig. Ibinigay niya ang lahat. Ang kasukat na hapdi ay dadalhin niya ngayon sa pagkawala ni Roy.

Sa sementeryo na namin inabot ang libing at sa bahay na namin nakausap si Aida. Ang hapis at luhaang si Aida na pagdaka’y yumakap sa akin.

“Wala na si Roy, Connie. Wala na,” ang bulong niya at di ko napigil ang mapaluha. Umiyak ako sa matinding awa sa kanya. Ang luha ko’y di para lamang kay Roy, kundi higit at lalo para sa kanyang naiwan.

Nang pumayapa nang lahat ang aming mga loob, saka lamang kami nagkausap nang mahusay. “Kung anuman ang iyong kailangan, Aida, nakahanda kaming tumulong,” ang sabi ni Bien na kaagad namang natunugan ni Aida ang kahulugan.

“Salamat, pero walang gaanong problema sa bagay na iyan. Makapag-oopisina naman ako. May tatanggap pa naman yata sa akin, kinausap ako ng hepe ni Roy.”

Bigla, naalala ko ang sinayang na panahon ni Aida sa ginawang pagtigil ng pagtatrabaho. Ang paninisi, kahit sa sarili, ay iwinaksi ko. “Huwag kang masyadong mag-iisip. Tanggapin mo nang maluwag ang nangyari. Kalooban ng Diyos. Kapalaran.,” ang payo ko naman.

Noon ngumiti si Aida. Isang ngiting nagbigay ningning sa mugto niyang mga mata. Ngiting humawi sa lungkot ng kanyang mukha. Isang napakagandang ngiti.

“Masakit nga, Connie, ngunit tinatanggap ko ang lahat. It was a life well spent. Natanggap niya ang lahat nang maibibigay ko sa kanya, kung paanong naging akin ang lahat nang maipagkakaloob niya. Dala niya ako sa kanyang pagyao. At siya ay narito sa akin ngayon. Sa aming pagbibigayan ay naging iisa lamang kami. At ito ang tungkod na aakay sa akin sa pag-iisa sa hinaharap. Ang mga alaala. Ang marami, magagandang alaala.

NAKABALIK na kami ni Bien ay laman pa rin ng aking isipan ang mga sinabi ni Aida. Ang kabuuan ko ay ginugulo ng mga tanong. Ano? Ano ang mga alaalang maiiwan sa akin, ang tungkod na aakay sa akin, kung sakaling dumating sa buhay ko ang sinapit ni Aida?

Nang malinawan ko ang kasagutan ay sinakmal ng takot ang aking puso. Sapagkat wala. Wala. Ang pansariling kasiyahan na nadarama ko sa aming pagsasama ni Bien ay huwad lamang. Sapagkat ako’y huwad. Ako ang nagsasayang ng panahon.

“Bien…”

Hindi kumilos sa pagkakatayong nakalikod sa akin si Bien, ngunit sumagot din. “Bakit?”

Mahal kita, Bien. Mahal na mahal, nais kong sambitin, ulit-ulitin, ngunit walang katagang namulas sa aking mga labi na sanay sa pagkapinid at naaasiwang bumigkas ng gayong pananalita.

Dahan-dahan, lumapit ako kay Bien. Alanganing idinantay ko ang aking kamay sa kanyang likod, inihagod ang palad pababa, payapos sa baywang.

A, matututo rin ako.


Liwayway, Oktubre 08, 1973

1 comment:

  1. Again, a very beautiful love story with a lesson to boot!

    My personal opinion? For boyfriend/girlfriend the % should be 50/50. But for husband/wife it should 100% both ways. Ah. ewan...ano ba ang malay ko!

    EMMA

    ReplyDelete