Monday, August 4, 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY – Unang Yugto



ANG ULAN SA BUHAY NI LETY – Unang Yugto

UMUULAN. Malalaki ang patak.

Pinagmasdan ni Lety ang suot na medyas. Basa, may tilamsik ng putik, naninikit sa binti. Nakisiksik siya sa mga taong nasa bangketa. Kumanlong sa nakabukas niyang payong.

“Payong n’yo, Miss…”

Pabiglang nilingap ni Lety ang nagsalita. Ang tinig na iyon, ang mga salitang iyon.

Isang maliit na lalaki, hindi hihigit sa dalawang dali ang taas sa kanya, maitim sa kayumanggi, balbaro, mabibilog ang mata, malalantik ang pilik.

Ikaw! Ang salita ay inihugis ng kanyang mga labi.

Saglit lamang natigilan ang lalaki. Pagkuwa’y kumislap ang pagkilala sa mga mata. “Lety! Kumusta?”

“Mabuti, mabuti.” Ngumiti si Lety. Sa pakiramdam niya, kumikinig ang sulok ng kanyang mga labi.

“Saan ka ngayon? Ilan na ang … ang baby mo?”

Tumawa si Lety.

Isang punuang bus ang huminto sa tapat ng bangketa. Hugos na bumaba, tumakbo at sumingit sa masikip nang bangketa, ang halos kalahati ng sakay. Umurong nang ilang hakbang si Lety. Naramdaman niya, may nakatapak sa kanyang sapatos. Nilinga niya ang kausap. Napalayo ito sa kanya, apat, limang tao ang pagitan nila. Lumingon ito. Nagtama ang kanilang mga paningin. Sabay, ngumiti sila.

Hinapit ni Lety sa kanyang dibdib ang dala-dalang handbag, ang basa, nakatiklop nang payong. Buhat sa kanyang kinatatayuan, ang tingin niya ay maputing-maputi ang masinsing patak ng ulan. Akalain mo, naisip niya.

Anong taon nga noon? 1958 ba? O 1959? Ilang taon na nga ang nakalilipas? Kalalabas nila ni Zeny, kaibigan at kasamahan sa dormitoryo, mula sa panonood ng sine (si Elvis Presley, tandang-tanda pa niya), nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sandali lamang, nagkatubig na ang gilid-gilid ng bangketa sa panulukan ng Avenida Rizal at Azcarraga na kinaroroonan nila. Azcarraga pa nga ba o Claro M. Recto na?

Tumayo at nakisiksik sila ni Zeny sa mga tao sa bangketa. Nanganlong sa nakabukas na payong. Nang humina ang ulan, bumaba sila sa dakong walang tubig upang tumawid. Itinaas niya ang kanyang…

“Payong ‘yo, Miss…”

Isang maliit na lalaki, hindi hihigit sa dalawang dali ang taas sa kanya, maitim sa kayumanggi, balbaro, ang nalingapan niya. Parang ipinako ito sa pagkakatayo sa gitna ng ulan, tutop ng kamay ang kanang mata!

Bigla, hinawakan niya ang bisig ng lalaki, ibinaba ang kamay na nakatakip sa mata. Ikinurap-kurap ng lalaki ang nasaktan, nagluluhang mata.

“Sorry…”

Hinila siya ni Zeny. Saka lamang niya napansin, nagpalit na ng ilaw ang trapiko. Hindi na sila makatatawid. Hinawakan niyang muli sa bisig ang lalaki. “Tena kayo…”

At bumalik sila sa bangketa.

Pepito ang pangalan ng lalaki na ang mabilog, malantik ang pilik na mata ay kanyang nasundot ng payong. Si Pepito ay kasabay na nilang umuwi sa dormitoryo ni Zeny. Para mapatakan ng eye-mo, pamimilit niya.

Binata pa kaya?” tanong niya kay Zeny, nang makaalis ito.

“Mukhang may edad na,” sagot nito.

Dalawampu’t limang taon si Pepito. Ang tamang edad na mayroon nang kasintahan. O kung maagang nakapag-asawa ay mayroon nang anak. Binata pa nga kaya si Pepito?

Kinabukasan ng dakilang aksidente, ayon nga kay Zeny, dinalaw siya ni Pepito sa dormitoryong tinutuluyan. Siya ay nabigla. Natuwa. Kinabahan.

“Napasyal ka?” bungad niyang bati.

“Gusto kong lumawig ang ating pagkikilala.”

Deretso, walang paliguy-ligoy kung magsalita si Pepito.

“Lumawig?” ulit niya.

“Gusto kong maging magkaibigan tayo.”

Ang katapatan ay nabasa niya sa mga mata ni Pepito. At ang kanyang sasabihin ay hindi na niya naisabibig. Kung binata ka, oo…

Araw-araw, pagdating niya buhat sa opisina, dinaratnan na niya si Pepito sa dormitoryo. Tahimik na nakaupo sa isang sulok ng silid-tanggapan, sa sopa na nasa tabi ng piyano. Isang buwan, dalawa, umabot hanggang tatlo, araw-araw siyang dinadalaw ni Pepito.

“Kung siya’y may asawa, hindi niya magagawa ang dumalaw araw-araw sa akin,” wika niya kay Zeny.

“E, kung ang asawa niya ay nasa probinsiya?” tanong naman nito.

At sa dahilang siya ay nagdadalang-hiya, kahit pabiro, hindi siya makapagtanong. Lumawig, lumawig, ang kanilang tumatamis, tumatamis na pagtitinginan.

Minsan, sinabi ni Pepito. “Gusto kong makilala ang iyong mga magulang at kapatid.”

At sinabi niya kay Zeny. “Kung siya ay may asawa, bakit niya nanaising makilala ang aking pamilya?”

Sa unang pagkakataon, walang maisagot ang kanyang kaibigan. Matagal na nag-isip. Kalaunan ay nagtawa. Bumulong sa kanya. “Nagtapat na ba sa ‘yo?”

Tatlong buwan na ngang singkad na dumadalaw si Pepito sa kanya ngunit wala naman itong sinasabi na nauukol sa pag-ibig. Kung anu-ano lamang ang kanilang pinag-uusapan. Marami itong kuwento, palibhasa’y palabasa. At mapagbiro. Walang nakaiinip na sandali sa piling nito.

Kung ang pagbabatayan ay ang dami at lawak ng mga kuwento tungkol sa sarili, na nasabi na sa kanya ni Pepito, masasabing wala nang lihim sa kanilang dalawa. Bukas nang aklat ang kanilang buhay sa isa’t isa.

“Sa aming bayan, isa kami sa mga pinagpipitaganan. Hindi sa dahilang kami’y makuwarta. Wala kami niyan. Iyong mga ninuno ng mga ninuno ng mga ninuno namin ang talagang mayroon…” nagtawa pa si Pepito.

“Ang sabi raw ng isang opisyal na kastila na naging kaibigan ng aking kauna-unahang lolo: Amigo, sumakay ikaw sa caballo, an malibot mon lupa, iyo!”

Hinagikgik siya ng tawa. “E, di maghapong naglibot ang lolo mo?”

“Sabi ko sa iyo,” tumawa rin si Pepito.

“E, ngayon?”

Umiling si Pepito. “Nasingitan kami ng isang henerasyon ng mga sugarol. Ang natira na lamang sa amin ngayon ay ang aming pangalan. Na sabi ko nga sa iyo ay pinagpipitaganan.”

Ang sabi ni Zeny. “Kung ako ikaw, Lety, ipagtatanong ko iyang si Pepito. Kilala pala namang pamilya. Kung bakit lamang sa nilaki-laki nitong dormitoryo ay wala ni isa man na tagaroon sa bayan nila. Mabuti na iyong nakatitiyak.”

Tumawa siya. “Ano ang dapat tiyakin? Magkaibigan lamang kami.”

Mapilit si Zeny. “Ano bang talaga ang natapos ni Pepito? At saan siya nagtatrabaho? Mahirap iyang ganyang klase ng pakikipagkaibigan. Aksidente lamang. Hindi mo talaga kilala.”

Nagkibit siya ng balikat. “Ang kinuha raw niya’y AB, pero hindi siya natapos. Hindi siya nag-oopisina dito sa Maynila. May kaunting negosyo siya sa kanila. Kaya siya narito sa Maynila ay dahil lamang daw sa ipinaaasikasong mga papeles ng kanyang ama.”

“Ama? O asawa?”

Nainis siya kay Zeny. Naisip niya. Bakit kailangang usisain ko ang kanyang buhay, wala namang namamagitan sa amin. Magkaibigan lamang kami. At kung totoo mang may asawa siya…

Pinung-pino ang kirot na naramdaman niya.

Isang araw, hiniram ni Pepito ang kanyang class ring. “Patingin lang…”

Ibinigay niya. Itinaas ni Pepito ang sinsing, sinipat sa liwanag. Ibinaba, tinunghayan. University of the… ang sinsing ay isinuot ni Pepito sa kanang palasinsingan. Hanggang pangalawang buko lamang. Ibinago. Isinuot sa kalingkingan. Kasya. Humalikipkip ito. “Akin na.”

“A, huwag!” tutol niya.

“Bakit? May nagmamay-ari na?” ang pagkabigo ay lumarawan sa mga mata ni Pepito.

Umiling siya. “Wala. Wala naman.”

“Sa akin na,” ulit ni Pepito. At hindi siya nakakibo.

(Halatang may pag-ibig si Pepito kay Lety. At sa hindi pag-imik ni Lety sa ginawa ni Pepito, para na rin niyang ipinahalata na may pagtingin siya rito. Pero, sino si Pepito?

Sa dormitoryo na tinuluyan ko noong araw, mahigit na limampu kaming nakatira. Bawat isa, may sariling kwento ng buhay. Ang buhay ng karakter ni Lety ay isa lamang composite. Na natitiyak kong totoo ring nangyari sa iba pang dormitoryo noon. At ngayon.

Abangan ang katapusan sa susunod na blog posting.)

No comments:

Post a Comment