Monday, August 11, 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY - Katapusan


ANG ULAN SA BUHAY NI LETY - Katapusan

Napansin ni Zeny ang pagkawala ng kanyang sinsing. At ang pagkakaroon ng kapalit. Isang hugis kobra na ang ulo ay batong jade. “Talagang tuloy na,” anito.

Matipid ang kanyang ngiti. “Strictly platonic.”

Platonic. Isang mabuting pakikipagkaibigan, malapit na pagsasamahan, na ang pangunahing katangian ay ang kawalan ng damdaming seksuwal. Iyon, ang sabi niya kay Zeny. Ngunit ang totoo. Bawat tingin, bawat titig ni Pepito, ang mga di-sinasadyang paghahawakan ng kamay, pagbubungguan ng balikat, ang dampi ng palad sa kanyang bisig kapag inaalalayan siya sa pagtawid-tawid sa lansangan o pagbaba sa sasakyan… ang mga ito ay may hatid na kakaibang sikdo sa kanyang dibdib. At alam niya, gayon din ang nararamdaman ni Pepito.

Hanggang isang araw, sinundo siya sa opisina ni Pepito, niyaya siyang manood ng sine, at siya ay nagpaunlak. Madilim sa balcony. Ngunit panatag ang kanyang kalooban. Alam niya ang kanyang ginagawa. At husto na ang kanyang pag-iisip.

Nasa kalagitnaan sila ng pelikulang pinanonood nang hawakan ni Pepito ang kanyang kamay, gagapin nang mahigpit ang kanyang palad… at hagkan. Matagal, mariin. Saka ito nagyayang umuwi.

Sa dormitoryo, sa silid-tanggapan, sa paborito nilang sopa sa tabi ng piyano, may ipinagtapat si Pepito. “Tandaan mo, Lety, tapat ang aking hangarin sa iyo, kaya ko sinasabi ito. Maaaring maglihim ako, lokohin ka. Ngunit mahal kita. Nakahanda akong paligayahin ka, sa abot ng aking makakaya. Kung matatanggap mo ang isang lalaking katulad ko. A man with a past.”

Hindi na niya matandaan kung paano ang pagkalahad ni Pepito sa isang bahagi ng buhay nito na siyang pinakamahalaga sa relasyon nilang dalawa. Ilang taon na ang nakalilipas, isang babae ang dumating, nagpabago sa takbo ng buhay ni Pepito. Umibig ang babae rito. Marubdob. Ngunit walang katugon. Hindi marunong tumanggap ng pagkabigo ang babae. Si Pepito ay pinilit, pinikot. A, ang panahong iyon…

“Walang nangyari sa aming dalawa.”

Walang kakurap-kurap ang mga mata ni Pepito.

Hindi siya sumagot. May kung anong nakabara sa kanyang lalamunan. Lagus-lagusan ang kanyang tanaw sa dingding na kinasasandalan ng katapat nilang mga silya. Sa silid-tulugan, sa kabila ng dingding na iyon, doon ang kanilang munting daigdig nina Zeny. Bakit si Zeny ang nasa isip niya habang nagsasalita si Pepito. Ewan ko, sabi ng kanyang kaibigan, sa pakiramdam ko, si Pepito ay may ipinaglilihim sa iyo.

“Walang nangyari,” mariing ulit ni Pepito. “Hindi ko pinakisamahan ang babae. Nakasal lamang ako sa kanya, Lety, that much, nangyari sa amin. Ngunit ako’y malaya sa tunay na kahulugan ng salitang ito..."


A, ang panahong yaon... ang panahong yaon! Kay lalim ng kanyang buntong-hininga.


Si Pepito. "Wala siyang bahagi sa aking pag-ibig, sa aking pag-iisip. Ang katawan ko’y akin. At kung mamarapatin mo… ikaw ang makikilalang asawa ko. Buong puso kang tatanggapin ng aking pamilya. At hindi niya tayo gagambalain, ipinapangako ko. Matagal nang panahon, tinanggap niya ang katotohanang hindi naipipilit ang pag-ibig."

Umiling siya. Sunud-sunod. “Hindi. Hindi…”

Huminto na siyang makiharap sa pagdalaw ni Pepito sa dormitoryo. Ang tawag sa telephone ay hindi na niya sinagot. Ang mga sulat ay hindi tinanggap. Hanggang isang araw, hindi na dumating, hindi na dumalaw, hindi na tumawag o sumulat, si Pepito.

Iniyakan niya ang kaibigan. “Pinikot daw siya. Pinilit. Kung talagang ayaw niya, hindi mangyayari iyon…”

“Maraming dahilan, Lety. Hindi natin alam ang buong pangyayari. Ipagpasalamat mong siya ay naging matapat. Ang pagpapasiya ay ibinigay niya sa iyo.”

“Mahal na mahal ko siya. Ngunit hindi matanggp ng aking kalooban…”

“Sapagkat ikaw ay taong may prinsipyo sa buhay!”

Pinahid niya ang kanyang luha. “Talaga! Anong hinaharap ang makakamtan ko sa piling ng isang lalaking kasal na sa iba? Anong kinabukasan ang maibibigay ko sa aking magiging anak? A, mamatamisin ko pa ang tumandang dalaga’t tumira na lang habang buhay rito sa dormitoryo.”

Nagtawa si Zeny. “Bata ka pa, Lety. Ang nangyari ay isa lamang sa mga kalokohan ng mga tulad nating nakatira sa dormitoryo. Pakikipagkaibigan sa mga istranghero. Pakikipagsapalaran. At marami pang darating. Higit pa kay Pepito.”

“Kung makakalimutan ko siya…” malungkot niyang wika.


TILA NA ANG ULAN. Unti-unti, kumilos ang mga tao sa bangketa. Nagmamadali, kumaway si Pepito sa kanya. “Sige, mauna na ‘ko.”

Tumango si Lety. Balik na siya sa ngayon mula sa ilang saglit na balik-gunita sa kahapon. Saka niya napansin, may sinalubong si Pepito na babaing tumatawid, may akay na batang lalaki. Asawa? Anak? Lumingon si Pepito. Itinuro ang babae, ang bata. Ngumiti siya. Alam niya. Nauunawaan niya.

Pinara ni Lety ang dumarating na bus. Puno, hindi huminto. Nagsisimula na namang umulan. Papalakas. Malalaki ang patak.

Naisip ni Lety. Nadama niya sa kanyang kaibuturan. Hindi na yata aaraw, wala nang katapusan ang tag-ulan, sa kanyang buhay.

Muli, binuksan niya ang kanyang payong. At itinalaga ang sarili: Kay lapit ng dormitoryo ay gagabihin na naman siya sa pag-uwi.

Liwayway, Nobyembre 16, 1970

1 comment:

  1. Masuerte si Lety sapagkat ulan lamang ang dumating su buhay niya. Iyong iba nga bagyo at siyam siyam ang dumarating sa buhay.Bukod sa maganda ang mga istorya ,nahahasa rin ang aking tagalog. Pete P

    ReplyDelete