Wednesday, June 11, 2008

BIYENAN AT MANUGANG - Katapusan

BIYENAN AT MANUGANG

Katapusan

Mabait naman ang pamilya ni Ben. Kaya lang…

Kaagad siyang naglihi sa panganay nila ni Ben. At sa paglilihi, ang pagsama ng pakiramdam ng katawan, pagiging maramdamin, matamarin, pagkaiyakin.

“Ate, bangon na raw,” sabi ng kanyang nakababatang hipag.”

“Masama ang katawan ko,” sagot niya.

“Sabi ng Nanay, tuturuan ka raw niyang magluto. Tanghali na raw.”

Masama ang loob, mangiyak-ngiyak, susunod siya. At naroon ang kanyang biyenan, na nadiskubreng hindi pala siya marunong magluto. Dahil nang dalaga pa ay patulung-tulong lamang siya sa kanila, hindi lubos na napag-isa.

At ang sabi pa sa kanya. Bawa’t nangungusina, kani-kanyang pamamaraan. Ganito ang gusto ko. Ganito ang hiwa ng kamatis, ganire ang hiwa ng sibuyas. Iba ang hiwa ng patatas sa torta, iba ang hiwa sa picadillo. At ang isinasarap ng ginigisang baboy o manok o karne ay nasa sa pagsasangkutsa. Ano ba ang sangkutsa? Taga-probinsiya ka, hindi mo alam. Ang totoo’y alam naman niya.

Ipinanganak niya ang kanilang panganay ni Ben. Aakalain ba niyang wala siyang maipasusuong gatas, gustuhin man niya, sangkamaw mang sabaw na puno ng dahong malunggay ang kanyang higupin araw-araw.

Iiling ang kanyang biyenan. At sasabihin. Kaya iba ang singaw ng mga kabataan ngayon, hindi gatas ng ina ang nasususo. Mahina ang mga tiyan. Madaling magkurso. Maraming singaw sa katawan. At ano bang kalintikan ‘yang DPT at anti-polio inoculation na ‘yan? Nu’ng panahon namin, pupurgahin lang ng kinatas na murang dahon ng ampalaya, iige na ang bata.

At sa bawat kilos niya: Hindi ganyan ang pagtitiklop ng lampin. Hindi ganyan ang paglalagay ng bigkis. Ano ba ‘yang cereal na ipinakakain mo? Ba’t di maglugaw ka na lang at iyong am ang iyong ibigay. Mas masustansiya pa.

Kalaunan. Ikukula mo ang puti. Bakit namamanhid ang iyong pinalantsa. Bilasa ang nabili mong isda. Matigas ang iyong pagkapirito. Paksiw ba ito o sinigang, karaming sabay. Nadami’ng suka ng iyong adobo, kaasim. At ganito at ganoon.

Hindi na siya nakatiis. Nagreklamo siya kay Ben. Sinabi niyang nais niyang mag-opisina o magturo, umalis ng bahay, dahil naiinip siya. Ang totoo, hindi lang niya masabi, baka siya maluka sa kunsumisyon sa ina nito. Aakalain ba niyang nakatagpo agad siya ng trabaho at nakakuha agad ng katulong. Niyaya niyang humiwalay si Ben. At pumayag ito. Kaya lang, sa isang apartment na malapit sa kanyang biyenan.

Heto na. Iba naman. Sabi ng kanyang biyenan. Ang tamad ng katulong mo, tuturuan mo. ‘Oy, Loreta, laging may sipon ‘yang anak mo, napapabayaan. Kasunod ang iling, ‘yan ang hirap sa nagtatrabaho ang ina. Walang wawa ang pamamahay.

At ganito at ganoon ulit. Hanggang ipanganak niya ang isa pang babae at ang bunsong si Dodong. Hanggang makapagpatayo sila ng sariling bahay na malayo sa kanyang biyenan. Hanggang bawian ng buhay ang mga ito, at si Ben ay na-stroke nang nasa haiskul si Dodong.

Mabait naman kung tutuusin ang kanyang biyenan. Marami siyang natutuhan dito. Kaya lang… maraming mga luha, hinanakit, sama ng loob, pagdaramdam ang tiniis niya sa pakikisama rito. Wala siyang nasilip ni katiting na pagtingin nito sa kanya. Si Ben lamang ang tinitingnan nito. Isa siyang estranghero. Hindi kapamilya. Bakit kailangang maging ganoon?

Noon pa lamang, nabuo na ang kanyang pasiya. Kapag dumating ang sandali ng pag-aasawa ni Dodong, hindi siya magiging masamang biyenan sa kanyang manugang.

Alam niya: matapos makasal, gusto ni Linda na magsarili sila ni Dodong. Kung tutuusin ay di naman siya magiging problema. Katagal nang niyayaya siya ng dalawang anak na babae na bumisita sa Amerika. Tumira dito. At kapag nagustuhan niya, ipe-petisyon siya. Lalo nang iplano ang pag-aasawa ni Dodong. Sunud-sunod ang sulat ng mga ito. Dear mother-in-law to be: It’s time to pack your bag. Iwanan ninyo sina Dodong at Linda. Remember, iyong mga kuwento mo sa amin tungkol sa biyenan at manugang. Kaya nga kami narito sa Amerika. Dito na kayo sa amin… okey ka naman sa aming mga husbands….

Ngunit ayaw niyang umalis. Nais niyang ipakita sa lahat, at higit sa kanyang sarili, na siya ay magiging huwarang biyenan.

Kapuwa nagtatrabaho sina Dodong at Linda. Kaya nagulat siya isang umaga nang magisnan na niya sa kusina si Linda, kausap ang kanilang katulong.

“Aga mo, iha,” kanyang bati.

Ngumiti si Linda. “Ihahanda ko ho ang almusal natin. Ang gusto pala ni Dodong ay…”

Hinawakan niya sa bisig ang manugang. “Bumalik ka kay Dodong. Ang aga-aga pa. Ako ang bahala sa gusto ni Dodong. Sige…” pagtataboy nito.

At hindi niya pinabayaang magtrabaho si Linda. Hindi niya pinayagang magsilbi ito kay Dodong. Ako ang bahala. Sige lang kayo riyan.

Minsan, itinatanong ni Linda kung paano ang pagluluto ng asadong dila, ang weakness ni Dodong. Saka ko na ituturo, ang sambot niya.

Hindi niya akalaing mag-aral magluto ng cakes and pastries si Linda. Dahil sa paboritong chocolate cake ni Dodong. Tulad nang dapat asahan, ang unang chocolate cake ni Linda ay malabo, sumasabog kapag tinusok ng tinedor. At nakahihirin.

“Nakakahiya,” sabi n Linda.

“Talagang ganyan,” pang-aaliw naman niya. “Kalimutan mo muna ang pagbe-bake. Ako na ang bahala rito.”

Humanap ka man ng biyenan, wika nga’y magpagawa ka man ng biyenan, wala ka nang makikitang katulad niya, kanyang naisaloob. Hindi pinagagawa ang manugang. Hindi pinipintasan ang maling nagawa ng manugang. Aba, parang boarder si Linda sa kanila. Walang iniintindi.

Wala siyang tangkang makinig. Ngunit parang umiiyak si Linda, waring nagsusumbong kay Dodong. Para akong boarder dito. Walang ginagawa. Parang tau-tauhan. Walang iniintindi.”

Tinig ni Dodong. “Ganoon lang ang Mama. Gusto lang niyang makatulong.”

“Hindi,” mariing wika ni Linda. “Babae ako at naiintindihan ko siya. Gusto niyang masabing mabait siyang biyenan. Oo. Mabait nga siya. Pero, maling kabaitan. She’s doing it all wrong. Nang dumating ako rito sa inyo;, nakahanda akong mahalin siya, sapagkat mahal kita. Alam ko ang kasabihan tungkol sa biyenan at manugang, and I came prepared. Ang Mommy ko at biyenan niya, magkasundo. At aral ako sa Mommy ko. Pero nasisira ako sa Mama mo. Ayaw niya akong bigyan ng pagkakataong maging anak o manugang o kasambahay. Para akong boarder… Ni hindi ko alam kung ilan ang pantalon mo. Kung paano tiklupin ang mga sando mo. Kung ano ang sukat ng gagawing polo mo. Panay siya ang bahala. Siya. Siya. Siya. Ako’y walang silbi! Ako’y walang bilang!”

Napahagulgul ng iyak si Linda. Ang maganda, marunong, katangi-tanging si Linda. Maalam tumugtog ng piyano at gitara. Ngunit ang tanging gusto ay ang makapaglingkod sa asawa. Maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay nito.

Nagmamadaling tumalilis si Loreta. Iniwan niya ang umaalong tinig ni Dodong. Sa kanyang puso, nais lamang niyang maging mabuting biyenan. Taliwas sa kanyang sariling biyenan. Nakalulungkot, ngunit inaamin niya, ngayon, na mali ang kanyang pamamaraan.

Naalaala niyang bigla ang katatanggap na sulat buhat sa Amerika. Ang pagsang-ayon na lamang raw niya ang hinihintay para maayos ang mga papeles. Naisip niya, bakit hindi? Kay tagal na niyang hindi nakikita ang dalawang anak at ang mga apo rito. Masarap siguro sa Amerika.

Bakit nga ba hindi?

Liwayway, Mayo 19, 1986

No comments:

Post a Comment