Monday, October 13, 2008

HIWALAY – Katapusan



HIWALAY – Katapusan

IDOL niya ang kanyang Tita Gracia. Maliit pa siyang bata ay tinitingala na niya ito. Gusto niya ang ugali nitong prangka, matapang at hindi takot na mapaiba ang opinyon. Pinag-isipan niyang mabuti ang sinabi nitong magtrabaho siya. Nang makapagdesisyon ay kinausap niya si Roy.

“Paano ang mga bata?” tanong nito.

“Bahala si Nanay. Maiintindihan naman siguro nila,” sagot niya.

“Mabuti kung pumayag,” nagdududang balik nito. At sa sagot ni Roy ay alam niyang nalunsad na ang kanyang career. Dahil sabi nga ng kanyang tita, selling is a career.

Unang araw pa lamang ng seminar ay nakadama na siya nang malaking pagbabago sa sarili. Parang bigla siyang nabuhay. Naging hamon sa matagal nang napahinga niyang utak ang pag-intindi sa pasikut-sikot ng insurance underwriting. At enjoy siya sa mga pep talk, sa mga positive reinforcements at affirmations. Hindi niya malimutan ang sinabi ng isang lecturer: from the moment of your conception, you are already a winner. Kaya paggising niya sa umaga at pagharap sa salamin, binabati niya ang sarili ng hello there, winner! I love you!

Sa unang limang taon, nasiyahan na siya sa takbo ng kanyang underwriting career, ito ang tawag ng kanyang Tita Gracia rito. Marami na siyang hawak na kliyente. Steady na ang komisyong dumarating sa kanya. Pwede nang panghulog sa isang segunda manong kotse.

Ngunit sabi ng kanyang unit manager. Bakit second hand, Maila? Think brand new. Think big. At naisip niya, aba, tama ito. Ang 10,000 ay dagdagan ng isa pang zero para maging 100,000. ang 100,000 ay maging 1,000,000.

At naging agresibo siya sa paghahanap ng maiseseguro. Networking is the key, narinig niya sa kanyang tita. Humingi siya ng referral dito. At nang makapagbenta siya ng isang seven-figure coverage at sumapalad niya ang komisyon buhat dito ay hindi na siya lumingon. Natanto na niya kung saan siya pupunta, kung saan niya gustong makarating.

Sa loob ng mga sumunod na taon, ito ang naging pokus ng kanyang buong buhay. Bunga nito’y tinanghal siyang top producer ng kanilang unit. Sunod ay ng buong kompanya. Nang kung ilang beses. At pinarangalan siya, kasama ng mga katulad niya. Napalagay ang larawan sa diyaryo. Tumanggap ng mga premyong out of town holiday for two, di kasing kasama niya si Roy. May Baguio, may Davao, may Boracay. Sunod, abroad na. Natuto siyang magmaneho, brand new ang kanyang kotse. May sarili na ring kotse si Roy, hinuhulugan nito, pero siya ang nagbigay ng down payment. Nakatira rin sila sa hinuhulugang house and lot sa isang magandang subdibisyon.

Habang lumalaki ang kita ay lumalaki rin ang gastos. Hindi na ang needs ang pinag-uusapan, kundi ang wants. Ang blouse at sapatos na dati ay sa ordinaryong department store binibili ay sa boutique na ngayon hinahanap. Nadadalas ang kain sa mahal na restoran. Kaya kailangang kumayod. Dis-oras na ng gabi ay nasa labas pa siya kung sa oras na iyon maluwag ang prospective client. Nagreklamo si Roy. Nagpaliwanag siya. Muli at muling nagreklamo. Muli at muli siyang nagpaliwanag ngunit may kahalo nang inis. Para sa atin ito, diin niya. Hindi na ito kumibo

Saka niya napansin, gabi na siyang umuwi ay mas gabi pa ito. Alas kuwatro y medya ang labas sa opisina nina Roy at hindi niya maintindihan kung bakit ito ginagabi. Sabihin mang umasenso na rin ito sa pinapasukan. Kung bakit hindi pwede sa paminsan-minsang pangangailangan ng mga bata. Siya pa ba ang lahat? Mga bata. Bahay. Trabaho pa rin.

Ngunit bisi nga siya at hindi na niya nasundan ang mga kilos ni Roy. Sa kabila ng kanyang trabaho, tinitiyak pa rin niya na masubaybayan ang kanyang mga anak. Alam niya ang pitfalls ng mga working mothers, napapabayaan ang mga anak na nagugumon tuloy sa drugs, napapasama sa masamang barkada. Sinikap niyang hindi ito mangyari.

Maliit lamang ang Makati. Hindi kalayuan ang Maynila at Quezon City. Ang mga karatig pook. Hindi miminsang nagkatagpo sila ni Roy. Lagi, may kasama itong babae. Ngitngit siyay walang magawa, lalo’t may kasama siyang kliyente. Ayaw naman niyang mapabalita na kayod siyang magtrabaho’y panay naman ang gudtaym ng kanyang asawa.

At nagsimula ang kanilang away. Araw araw. Walang pinipiling oras. Hanggang hamunin nga siyang maghiwalay. Hamong tinanggap niya.

NAGUGULUHAN si Maila. Kung kailan siya naging malayang kumilos, walang Roy na magrereklamo sa ginagabing pag-uwi, saka niya natagpuan ang sarili na umuuwing maaga. Na isinasaayos ang mga appointment para maging libre para sa mga anak. O kung may dapat gawin sa bahay, o puntahan kung weekend. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili kung bakit sa kabila nang matinding galit sa asawa ay hinahanap-hanap pa rin niya ito. Upang kwentuhan ng mga nangyari sa kanya sa buong maghapon, sa pakikipag-usap sa mga potensiyal na kliyente, sa mga naganap na pirmahan ng kontrata.

At kung gabi…

Kinagalitan ni Maila ang sarili. Sa karupukang nadarama. Pinuntahan niya ang kanyang Tita Gracia. Dito niya nalaman na sa kanyang nanay nakatuloy si Roy.

“Ano’ng ibig niyang sabihin? Ano’ng gusto niyang palabasin?” Muling nagsiklab ang kanyang galit kay Roy.

“Simpli lang,” sagot ng kanyang tita. “Na kung ang base ng inyong pag-aaway at paghihiwalay ay ang supposedly pambababae niya, e, nagkakamali ka. Dahil hindi siya uuwi sa partido mo kung guilty siya.”

“O makapal ang mukha niya,” mainit niyang sambot.

“Mahal mo pa ba siya,” bigla, paibang tanong ng kanyang tita.

Kumunot ang noo ni Maila, “Ano’ng kinalaman n’un sa nangyari o sa mangyayari pa?”

“D’un nakasalalay ang lahat, Maila. Ang hinaharap ng inyong pamilya.”

“Wala na ang aming pamilya, Tita. Single parent na ako. Nag-iisa. In a way, parang ikaw. Kaya pareho na tayo. And though you refrain from saying it, ako na, Tita ang magsasabi. Tama ka. Tama ka nang tutulan mo ang pagpapakasal namin ni Roy, noon.”

“Ow, cool it, Maila,” agaw ng kanyang tita. “Before you get the wrong signal, pakinggan mo muna ako. Tumutol ako noon, dahil bata pa kayo. You have your lives before you. Hindi pa ninyo kilalang lubusan ang isa’t isa. At higit sa lahat, ang inyong mga sarili. Hindi pa ninyo nahuhulo ang inyong mga pontensiyal. Tulad mo ngayon. Iisipin mo bang magiging successful ka sa sales? That you’ve got the knack, the charisma, the drive to be number one?”

“Dahil gusto ko lang makatulong. Tulad nang sabi mo,” mahinay na wika ni Maila.

“Pero in the process, may napabayaan ka…”

“Mga anak ko?” sunud-sunod ang iling ni Maila.

Tiningnan lamang siya ng kanyang tita. Hindi kumibo.

“Si Roy?” tanong ni Maila at sa nakitang ekspresyon sa mukha ng kanyang tita ay idinugtong, “bakit, alagain ba siya?”

“Everyone needs stroking. Ikaw, ako, at sa kaso ninyong mag-asawa, lalung-lalo na si Roy?”

“At bakit?”

“Baka na-insecure sa iyo.”

“Bakit?” Hindi makapaniwalang tanong na muli ni Maila. “Trabaho lang ito. Di ba dapat matuwa siya na magaling ako? Na kahit drop-out ay may narating din. Ibig bang sabihin, kung nagtapos ako ng kolehiyo at umabante sa aking propesyon, he’ll take it against me?”

“Ikaw ang makasasagot niyan. Higit mong kilala si Roy kaysa sa akin. Pero, may lalaking ganyan…”

“It’s so unfair,” himutok ni Maila. “Ibig sabihin, lahat ng ginawa ko’y balewala.”

Umiling ang kanyang Tita Gracia. “No, Maila. Remember that you did what you did, not only for your family, but also for yourself. Na sa proseso ng paghahanap-buhay ay nakilala mo ang iyong sarili. Natuklasang may itinatago kang talino. Na kapag binuo mo sa iyong loob na makamit o marating ang isang bagay, nagagawa mo ito. Hindi ba masarap ang ganitong pakiramdam. That you’re making use of your God-given talents?”

“Ewan Tita, ewan,” malungkot na sagot ni Maila.

Inakbayan si Maila ng kanyang Tita Gracia. “May babaing kayang mag-isa. Tulad ko, Maila. Tinanong mo na ako n’ung araw kung bakit hindi ako nag-asawa. Sagot ko’y not for lack of opportunities. Hindi rin sa masyado akong mapili, na wala na sa lugar. Kaya lang, hindi kami nagkatagpo ng sa palagay ko’y tama para sa akin. Iyong mga nakilala kong tama na, ayon sa tingin at pakiramdam, ay hindi naman pwede, dahil nakatali na. May ilang masugid, pero ang mga personality ay too laid back for me. Ayoko kasi n’ung parang kayan- kayanan ko, sunud-sunuran sa akin. Well, ito ang istorya ng aking buhay, at kaya ko lamang ikinuwento ay upang ipaunawa sa iyong magkaiba tayo ng situwasyon. Dalaga ako. Mayr’on kang Carlo at Leah, Joel at Gemma. At mayr’on kang Roy…”

Nilingap ni Maila ang kanyang tita. Mayr’on kang Roy, wika nito. At wari, may nahagip siyang lungkot na nanulay sa tinig nito. Nagkatagpo ang kanilang mga mata. Nakangiti ang kanyang Tita Gracia. Nanunukso. Guni-guni lang ba ag lungkot na nadama niya sa tinig nito?

“Mag-usap kayo, Maila. Kailangan lamang ninyong magkaliwanagan,” patuloy ng kanyang tita. “Mahal pa ninyo ang isa’t isa, alam ko. At alam mo rin. Kalimutan na n’yo ang nakaraan. Ang mga leksiyon na lamang ang tandaan ninyo. Magsimula kayong muli. Dahil… mahirap ang hiwalay. Mahirap ang mag-isa. Ang kalayaang ibinibigay ng ganitong situwasyon ay isa lamang ilusyon.

May naalala si Maila sa narinig sa kanyang tita. Isang nabasa sa kung saan: na sa kabila raw ng lahat, maraming babae ang bihag pa rin ng dating panahong nagbabadya kung saan ang dapat kalagyan ng mga ito. Bukas ang hawla, ngunit hindi pa rin makalabas. Parang turuang ibon na paminsan-minsa’y lumilipad at namamayagyag, pero muli’t muling bumabalik sa loob ng kinagisnang hawla.

Nang lisanin ni Maila ang kayang Tita Gracia, alam niyang susundin niya ang mga sinabi nito. Dahil ito rin ang nasasaloob niya. Alam niyang muli silang magkakasama ni Roy. Isang panahong muling liligaya. Hangang marahil, mag-away na muli. At kung hindi mag-uusap ay muling maghiwalay. Ewan niya. Sana’y hindi. Dahil sabi nga ng kanyang Tita Gracia, mahirap ang hiwalay. Mahirap ang mag-isa. Siya at ang mga katulad niya ay hindi pa handa at ewan niya… ewan niya… kung kailan magiging handa.

LIWAYWAY, Hunyo 2 at Hunyo 9, 1997

4 comments:

  1. Hi Tita! Si Marlene po ito, high school friend ni Diane. Bibisitahin ko ang blog nyo; nagsusulat din kasi ako ng fiction sa Tagalog. Tumigil na po akong sumali sa Palanca dahil hindi pa nananalo--haay! Buti pa kayo--naging Hall of Famer din po ba kayo?

    ReplyDelete
  2. Sana makabisita din kayo sa blogsite ko http://www.yahmunar.blogspot.com

    ReplyDelete
  3. Alam ko pong bilang manunulat, tumataba ang puso natin hindi lamang kapag may nagbabasa ng ating sinusulat, kundi kapag may nabubuhayan din ng loob na sumulat dahil sa atin. May bumisita po sa blog ko at sinundan ang blog nyo. Mahilig po talagang magsulat iyon pero minsan pinanghihinaan ng loob. Nang mabasa ang blog nyo, lumukso ang dugo at tumapang magsulat uli!

    ReplyDelete
  4. Hi Eve:

    This is another winner. Eh ano pa ba naman ang bago. Subok at premyado na nga
    ang mga kwento at nobela mo.
    Sana kausapin na ni Maila si Roy.
    Unless meron ka na namang hinahabi sa ispan mo na karugtong ng katapusan.
    Baka gamitin mo pang pamagat ang sinabi ko.
    Ang akin naman ay isa lamang suggestion, knowing how your mind works: masyadong
    Malawak at malalim. ang pananaw. At romantika pa.👍😄
    Bigyan mo na lang kaya ng final happy ending, dahil ang totoo, alam mo, hindi "ay ewan"😄😄😄
    Nag enjoy ako dito sa Hiwalay" kwento.
    Salamat. Keep on writing. Marami kang napapasaya.

    Ruby

    ReplyDelete