Monday, October 6, 2008

HIWALAY-Unang Yugto

HIWALAY-Unang Yugto

“Hinamon n’ya ko, Tita,” kwento ni Maila sa kanyang Tita Gracia. “Sabi ko, e, di sige, hiwalay kung hiwalay. Sa loob-loob ko lang, ako’ng tatakutin n’ya. Kaya kong buhayin ang aking sarili. Kaya kong buhayin pati mga anak namin,” sinalubong ni Maila ang mga mata ng kanyang tita, inabangan ang inaasahan niyang maririnig dito.

Ngunit iba ang namulas sa mga labi nito. “Ano’ng ginawa ni Roy?”

Kumunot ang noo ni Maila. Nagdilim ang mukha. “Ano pa, e, di nag-impake siya noon din. Nang gabi ring iyon, umalis.”

“Ano’ng sabi mo sa mga bata?”

Napabuntong-hininga si Maila. Muli, nadama niya ang kirot sa kanyang dibdib. “Malalaki na sila, Tita. Disisais na si Carlo. Kinse na si Leah. Kinausap ko agad sila. Iyong dalawang maliit ay tulog na noon. Saka ko na lamang ikako paliliwanagan.”

“Anong reaksiyon n’ung dalawang malaki?”

.

Hinarap ni Maila ang kanyang Tita Gracia. “Alam naman nilang lahat ang nangyayari, Tita. Iyong pag-aaway namin ng daddy nila. Iyong pag-uwi-uwi ng hatinggabi, madaling-araw. Iyong pagkukulang sa kanila. Mga pangakong hindi natutupad. Dapat sunduin sila’y hindi darating. Maputi nang mga mata at panghal na sa kahihintay, ni anino’y wala. Birthday nila’y nalilimutan. Di bale na ako, Tita. Yun na lang mga anak ko. Sabi nga ng matatanda, apaw na, dapat nang kalusin.”

Saglit na hiningal si Maila sa silakbo ng damdaming nadama. Nang sulyapan niya ang kanyang Tita Gracia ay mataman itong nakatingin sa kanya. “Ano ngayon ang balak mo?”.

Nagkibit ng balikat si Maila. “Life goes on,” nginitian niya ang kayang tita, isang pilit na ngiti.

Tumango ang kanyang tita. “Yung mga anak mo ang alalayan mo. Sila ang magdadala ng lahat. I trust you do understand that,” pagdidiin nito. At naisip niya, talagang nakabibilib ang kanyang tita. Natukoy agad ang kanyang problema.

Si Leah. At ang mga tanong nito. Saan matutulog si Daddy? Paano siya kakain?. Sinong mag-aayos ng kanyang mga damit? Akala niya, kampi sa kanya ang kanyang mga anak. Pero, hindi, iyong ama pa rin ang naaalala. Ngani-ngani na niyang pagtaasan ng boses si Leah, ngunit nakuha pa rin niyang magpakahinahon. “Hindi ako ang naghamong maghiwalay, Leah. Ang daddy mo,” sabi niya. “At huwag kang mag-alala kung saan siya matutulog. Marami siyang matutuluyang bahay. Sa lola mo sa Quezon City. Sa uncle mo sa Mandaluyong. Sa mga kaibigan niya…” at sa sarili niya, sa kanyang girlfriend.

Waring napanatag naman ang loob ni Leah sa kanyang mga sagot. Kaya lamang, hindi siya handa sa tanong ni Carlo. “Mommy, s’an ba nag-umpisa ang mga away n’yo ni Daddy. Di naman kayo dating ganyan.”.

Matagal siyang hindi nakahuma. Saan ba nagsimula ang lahat? Totoo ang sabi ni Carlo, hindi sila dating ganito. Nag-aaway sila, madalas din, pero sino bang mag-asawa ang hindi nag-aaway. O di nagkakasamaan ng loob. O hindi nag-iimikan ng kung ilang oras o araw. Sa samu’t saring dahilan. Mga biruang nauwi sa pikunan. O nagkukuwento iyong isa’y hindi pala nakikinig iyong kinukuwentuhan na tuloy ang pagbabasa ng diyaryo o tutok ang mga nata sa telebisyon.

Huminga siya nang malalim bago sumagot. “Ulit-ulit ko na ring tinanong ang aking sarili kung bakit, ano nga ba ang dahilan…”

“Si Daddy, tinanong mo ba?” singit ni Leah.

Napatingin siya kay Leah at sa isang sandaling pagtatama ng kanilang mga paningin ay kumislap sa kanyang isipan ang hindi na maitatatuwang katotohanan na nalulungkot ito. Miss na ang umalis na ama. At nakadama siya ng sakit sa dibdib dahil nasaktan niya ito. At si Carlo. At kung ang mga itong malalaki na ay ganito ang nararamdaman, ano pa ang magiging damdamin ng dalawa pang nakababata niyang anak. Binalingan niya si Carlo. Naghihintay pa ito ng iba niyang sasabihin.

“Malalaki na kayo, nakakaintindi na,” sa kaibuturan ng kanyang sarili ay ito ang hangad niya, ang siya’y mantindihan. “Sa panahong ito, malungkot mang tanggapin, parang nagiging ordinaryo na ang paghihiwalay ng mga mag-asawa. Sa iba’t ibang dahilan. Pero isang bagay lamang ang natitiyak ko,” pinalipat-lipat niya ang tingin kina Carlo at Leah, saka mariing idinugtong, “walang kinalaman, walang kasalanan ang mga anak sa ganitong pangyayari. At inuulit ko, itong paghihiwalay namin ng inyong daddy… has nothing to do with you, absolutely nothing.”

Nagkatinginan ang magkapatid at nagpatuloy siya sa higit na mahinahong tinig. “Sa amin ng inyong daddy, siguro, ay dahil maaga kaming nag-asawa. And for the wrong reason.”

LABIMPITO siya noon. Nasa unang semestre ng ikalawang taon sa kolehuyo. At buntis. Iniyakan niya si Roy. “Paano ngayon?”

Labingsiyam si Roy. Nasa unang semestre ng ikatlong taon sa kolehiyo. Parang batang umiling ito. “Ewan.”

Napalakas ang kanyang iyak. “Sabi mo, walang mangyayari. Sabi mo, alam mo.” Kahit dalawang taon lamang ang pagitan ng kanilang edad ay ganoon ang dating nito sa kanya, dahil ganoon kataas ang tingin niya kay Roy noon. Na mature ito. Maalam na sa lakad ng mundo.

“Paano mo nalaman. Paano mo natiyak,” usisa pa ni Roy..

“Nahuli ako ni Manang, suka ako nang suka sa banyo. Sinita ako. Alam niya. Nanganak na siya. Sasabihin raw niya kay Nanay. Kay Tatay. Roy, anong gagawin natin?”

Parang hindi nakahinga si Roy. “Ano, ano?” untag niya.

“Nag-iisip ako,” sagot nito.

Nang araw na iyon ay hindi sila pumasok sa iskwela. Kinagabihan ay hindi na rin umuwi sa kani-kanilang bahay. Dinala siya ni Roy sa lolo at lola nitong taga-Valenzuela.

Sa tanong na bakit, ang sagot nila’y kailangan.

Nagpulung-pulong ang pamilya, hindi siya kasali, siya ang pinag-uusapan. Alam din niya, kahit pigil, narinig pa rin niya, kinagalitan si Roy ng tiyuhin nito. Sabi ni lola, tama na, nariyan na ‘yan. Ang isipin ay kung anong gagawin.

Nang panahong yaon, ganoon pa rin ang kalakaran. Lalo’t laki’t namumuhay sa probinsiya. Buntis pala, dapat pakasalan. Ganoon ang takbo ng isipan ng partido, nina Roy. Ito’y mabuting balita sa kanyang nanay at anumang init ng galit sa kanyang ginawa ay dagling nasubhan. Dahil ligtas na ang mga ito sa kahihiyan. Pakakasalan naman. Hindi naman tinatakbuhan.

Isa lamang ang tutol sa napagkayarian. Ang kanyang Tita Gracia. Bunsong kapatid ng kanyang nanay. Bakit ipakakasal, ang tanong. Ang babata pa ng mga yan. Hindi pa alam ang buhay na papasukan. Kaya maraming naghihiwalay kalaunan, e, dahil sa sistemang iyan…

At hinarap siya. Ikaw, Maila, matalino ka. Honor ka nang nag-gradweyt sa high school. Dean’s list ka pa nung first year sa college. Sabi ko nga, aba, inspirado si Maila, pero ngayon, ganyan ang nangyari. Ang tanong ko’y ito. Iyang pagpapakasal ba lamang ang alam mong solusyon sa iyong situwasyon ngayon?

“Ano.. anong ibig mong mangyari, Tita?” sa isip niya’y naglaro ang isang solusyon na kauna-unahang pumasok sa kanyang utak nang malaman niyang buntis siya. Na kaagad niyang napagpasiyahang huwag gawin. Dahil labag ito sa batas, at malaking kasalanan sa Diyos. At patawarin siya na sa isang sandali ng karupukan ay kinonsidera niya itong gawin.

“At ano ang ibig mong sabihin, Gracia?” usig naman ng kanyang nanay sa kanyang tita.

Nagkatinginan sila ng kanyang tita. Wala siyang nabasa sa mga mata nito. Binalingan nito ang kanyang nanay. Sinulyapan ang kanyang tatay. Saka mahinahong nangusap. “E, maano kung buntis. E, di manganak. Anong masama dun. Nagkamali, magdusa. Matuto ng leksiyon. Kaysa naman ipakasal at magsisi kalaunan.?

Pero sino ang makikinig sa kanyang tita, na sabi nga ng kanyang nanay ay masyadong moderno, liberated, matanda na’y ayaw pang mag-asawa, may nanliligaw naman, ewan. Saka ito iiling na parang nahahabag sa bunsong kapatid na hindi masakyan ang takbo ng isip.

Kaya nakasal sila ni Roy. Simple, madaliang kasal. Pero, nag- walk down the aisle pa rin siya. Nakatrahe pa rin, di pa naman halata ang tiyan. Kung ilang pares pa ang ninong at ninang. At sa isang Chinese Restaurant ginawa ang reception. Na masaya rin naman.

Sa bahay nila sila tumira ni Roy. Mas may espasyo sa kanila. May kapatid kasi si Roy na may asawa na, na sa pamilya nito nakapisan. Itinuloy nito ang pag-aaral. Tumigil na siya. Sa bahay na lamang, kasama ang kanyang nanay. Linis, luto, burda-burda ng mga lampin at bigkis na tinahi nito para makatipid. At walang katapusang hintay sa pagdating ni Roy. Hindi naman laging ginagabi si Roy sa pag-uwi. Minsan nga lamang ay nagkakayayaan ang barkada, kuwento nito. Pero sa kanyang kalagayan ay hindi na siya maka-relate sa mga balita nito. Sa pakiramdam niya’y walang-wala na siya sa sirkulasyon ng buhay.

Kulang sa buwan at patay ang sanggol nang kanyang isilang. Sayang, sabi ng kanyang nanay. Maganda pa naman. Sayang, sabi ng lahat nang nakakita, ang tangos ng ilong. Sayang, ang sabi ni Roy, na mahilig yata sa bata.

Ngunit sa kabila ng kanyang lungkot sa pagkamatay ng kanilang sanggol, ibang uri ng panghihinayang ang nadama niya sa kanyang kaibuturan. Parang buhay niya ang nasayang.

Si Roy na lamang ang nagpatuloy at nagtapos ng pag-aaral. Nagsunud-sunod ang kanyang panganganak. Si Carlo ay sinundan agad ni Leah. At sa loob ng isang taon ay nagkita sina Joel at Gemma.

Nang ipanganak niya si Gemma, noon sinabi ng kanyang tita. Ano ba, Maila, magkukural ka ba ng anak?

Wala siyang maisagot at inilingan siya nito. Wala ka bang balak magtrabaho, ang tanong. Sayang, patuloy pa. matalino ka pa naman. Ba’t di ka mag-seminar. Sa insurance underwriting. O real estate. There’s money in sales. At lista ka. Kayang-kaya mo. Para mabago ang buhay mo. Ninyo. Makatutulong ka pa kay Roy. Apat ang anak ninyong pag-aaralin, sunud sunod nitong wika.

Iisipin ko, napilitan niyang sagot.

(Ang situwasyon ni Maila ay nangyari na nang maraming beses. Sa kaibigan natin, kakilala ng kaibigan, kamag-anak, kapamilya. Noon, na higit na simpli ang buhay, hindi masyadong masuliranin ang ganito. Sa bahay lamang ang nanay, nag-aalaga ng mga anak, at siguro, mas responsible ang mga tatay. O dahil iba na ang mundo ngayon, higit na marami ang nagkalat na tukso, kaya naiiba ang dynamics, wika nga. Isipin na lamang na noong kabataan natin, mga beer garden lamang ang nagkalat na pagkakalibangan ng mga lalaki, may asawa at wala. Pero ngayon, mga karaoke o ktv, mga live shows, mga malls, daming sinehan, mga resort – ang nag-aanyaya sa lahat, babai at lalaki. Talagang dapat na matibay ang pagsasama ng isang pag-asawahan upang mapaglabanan ang halina ng lahat ng ito. Kung maagang lumagay sa “tahimik” na “magulo” pala ang mga kabataang tulad nina Maila at Roy, paano na? Naroon ang problema na pinansiyal. Kung ito ang maisipang lutasin ni Maila, ano naman ang kakabit nitong suliranin?

Abangan ang katapusang yugto ng kwento.)

No comments:

Post a Comment